Pawikan nangitlog sa dalampasigan sa Davao Oriental

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 06:41 PM

Photo courtesy of Wawie Blas

MANAY, Davao Oriental - Namangha ang mga residente sa Barangay Zaragoza sa bayan ng Manay sa Davao Oriental nang makita nilang nangitlog ang isang pawikan Linggo ng umaga.

Ayon kay Barangay Chairman Alma Bangkailan, hindi naman ito ang unang pawikan na nangitlog sa kanilang dalampasigan. Pero unang pagkakataon ito na matunghayan ng mga residente ang aktuwal na pangingitlog ng isang pawikan.

"Blessing talaga sa amin sa barangay dahil sa lahat ng 17 barangays sa amin, kami lang ang pinunpuntahan ng mga sea turtle para mangitlog," aniya.

Ayon kay Manay Municipal Administrator Jan Mae Llavore, dahil sa mga bato sa dalampasigan ay natagalang makaahon sa dagat ang pawikan para makarating sa buhangin at mangitlog, kaya naabutan ito ng umaga at nakita ng mga tao.

Nasa mahigit isang metro ang haba ng pawikan at may bigat na 300 kilos.

"With the instruction of our Mayor, magpapa-executive agenda siya sa Sanggunian Bayan o SB office para po magkaroon tayo ng resolution for the proposal na the whole coastal area ng Barangay Zaragoza will be declared protected area for wildlife hatchery," ani Llavore.

Naka-cordon na ang lugar na pinangingitlogan ng pawikan at may bantay na rin na mga residente at personnel ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nasabing lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.