P6.8-M halaga ng shabu nasamsam, 2 huli sa Pangasinan drug bust

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 01:29 PM

Arestado ang 2 negosyante matapos umanong makuhanan ng mga awtoridad ng P6.8 milyong halaga ng shabu sa isang operasyon sa Binmaley, Pangasinan noong Linggo.

Dinampot ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency-Pangasinan (PDEA) ang mga suspek matapos bentahan ng mga ito ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Matapos isailalim sa laboratory test, nakumpirmang shabu ang nakumpiska sa mga suspek, na aabot sa isang kilo ang timbang, ayon sa PDEA.

Dati nang napasama sa Oplan Katok at rehabilitation program ang isa sa mga suspek pero bumalik din sa illegal drug trade, sabi ng PDEA.

Ginamit umano ng mga suspek ang travel pass nila para makabiyahe sa Metro Manila at makakuha ng supply.

Ginamit din daw ng mga suspek — na nagpositibo sa drug test — na front ang pagbebenta ng essential goods habang may community quarantine.

Inaalam ngayon ng PDEA kung sino-sino ang parokyano ng mga suspek, na kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.