PatrolPH

Opisina ng BFP sa Iloilo City, pansamantalang isinara dahil sa empleyadong nagpositibo sa COVID-19

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 10:21 PM

Empleyado ng BFP na nagpositibo sa COVID-19, namasyal pa umano sa Boracay

ILOILO CITY - Pansamantalang isinarado ang opisina ng Bureau of Fire Protection (BFP) Regional Office at BFP-Iloilo City nitong Lunes ng umaga dahil sa isang empleyado na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Fire Inspector Mary Angelie Bolocon, spokesperson ng BFP 6, bumiyahe mula Cebu ang BFP personnel noong Hunyo 5 matapos itong ma-stranded doon. 

Nalamang taga-Cebu ang naturang personnel. Noong Hunyo 6 kinunan sila ng swab samples para sa COVID-19 testing dito sa Iloilo City.

"From port they were taken by a bus then sa Jubilee, doon sila nag-rapid test and then they were given option by DOH na sa hotel mag-stay as long as the hotel will accept them, so doon sila nag-stay kasama ang iba pang LSI (locally stranded individuals), and then June 6 nag-swab sila sa hotel, from that June 9 they were given permission to do home quarantine," paliwanag ni Bolocon.

Ayon kay Bolocon, dahil considered na locally stranded individual ang naturang personnel, pansamantala silang namalagi sa women's quarters ng BFP habang hinihintay ang COVID-19 test result simula noong Hunyo 9.

Nitong Linggo, Hunyo 14, lumabas ang resultang nagpositibo sa COVID-19 ang nasabing personnel.

Para masigurong walang contamination ng virus, pansamantalang ipinasara ang buong opisina para isailalim sa disinfection.

Samantala, inireklamo naman ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang umano'y hindi agarang pagpa-surrender ng BFP ng kanilang personnel na nagpositibo sa COVID-19.

"I am preparing a complaint not because nag-positive but because wala nila gilayon mga ginsurrender sa aton nag gwa ang report kahapon alas kwatro late afternoon kag ang rason pa nila, nagpaliwa liwa pa kuno sa esplanade," ani Treñas.

(I am preparing a complaint not because positive ang personnel but because hindi nila agad na pina-surrender. Lumabas kahapon ang report alas-4 ng hapon at ang dahilan daw ay namasyal pa sa esplanade.)

Hindi rin umano mahagilap ng mga tauhan ng Public Safety Transportation and Management Office ang naturang empleyado kaya nagduda si Treñas kung talagang nasa women's quarters ng BFP Regional Office ito.

"We will not allow this to happen because how can we expect the ordinary Ilonggo to comply with the requirements of the IATF if officials of the BFP including the regional director do not follow the rules and regulations laid down by the IATF," dagda pa ni Treñas.

Pinapaimbestigahan na rin umano ni Treñas ang impormasyon na nakapunta pa umano sa Boracay Island ang nasabing empleyado kasama ang kanilang regional director at 28 pang mga kasamahan.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa umano nakakausap ni Treñas ang regional director ng BFP Region 6. 

Inihahanda na ng legal department ng city government ang formal complaint laban sa BFP-6 ayon kay Treñas at isusumite sa IATF.

Itinanggi naman ng BFP-6 ang akusasyon ni Treñas. Ani Bolocon, agad nilang tinawagan ang pasyente pero hindi nila ito ma-contact.

"Ang masasabi ko lang hindi totoo 'yang tinatago kasi ano naman ang purpose namin naitago siya dapat nga 'pag nalaman na nag-positive siya, especially na tinawagan din ako ng DOH na i-contact siya. So unfortunately hindi naman siya ma-contact, dapat nga ano pa kami na ma-turn over siya kaagad," paliwanag ni Bolocn.

Humihingi ng pag-unawa ang ahensya sa may mga transaksyon sa BFP 6.

Sa kabila ng pagsasara ng kanilang opisina, isiniguro ng BFP na hindi maapektuhan ang kanilang mga operasyon sa pagresponde sa mga sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.