PatrolPH

Lucban police station na binatikos dahil sa 'sexist, victim-blaming' post nag-sorry

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 02:59 PM

LUCBAN, Quezon — Humingi ng pag-unawa at paumanhin ang Lucban municipal police station (MPS) nitong Lunes kaugnay ng kanilang post na nag-viral at binatikos dahil sa umano'y pagiging "sexist" at "victim-blaming" sa mga naaabusong kababaihan. 

"Pasensya na po kung ganun man ang pagka-interpret sa ganung post namin, pero wala kaming intensyon na makasakit," ani Police Lt. Delilah Tapulayan, deputy chief ng Lucban MPS.

Sa post ng istasyon na ngayon ay burado na, sinabi nitong iwasan dapat ng mga babae ang pagsusuot ng maiikling damit para maiwasan ang pambabastos. 

"Kayo naman mga girls, wag kayo magsusuot ng pagkaikli-ikling damit at pag naman nabastos ay magsusumbong din sa amin. Isipin nyo rin!" anila.

Binatikos ito ng netizens, na sinabing hindi dapat isisi sa mga biktima ang pangbabastos.

Ayon kay Tapulayan, hindi nila sinasadyang makasakit sa post at magsisilbi daw itong aral para sa kanila. 

"Dapat po talaga magiging maingat sa bawat salita, sa bawat post, sa bawat aksyon na gagawin iisiping mabuti, think before you click talagang mag-iingat sa pag-perform ng ating gawain bilang public servant at law enforcer," ani Tapulayan. 

Kinondena na ng pamunuan ng Philippine National Police-Calabarzon ang post.

Pinaiimbestigahan na rin ito ni PNP chief Archie Gamboa at pinagpapaliwanag ang hepe ng Lucban MPS at tauhan nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.