Ilang ospital nagtala ng mas maraming COVID-19 patients mula nang mag-GCQ

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 07:31 PM

Watch more in iWantTFC

Nagtala ng mas maraming COVID-19 patients ang ilang COVID-19 referral hospitals mula nang ipatupad ang general community quarantine ngayong Hunyo.

Sa Philippine General Hospital (PGH), mula sa dating 70 hanggang 80 COVID-19 patients kada araw, nasa 172 ang na-admit na pasyente ngayong Lunes.

Bumaba noong Mayo ang bilang ng COVID-19 patients na ipinapasok sa ospital pero tumaas ulit nitong Hunyo, ayon kay PGH Director Gerardo Legaspi.

"The last 8 days we noted some increase in the admissions... We were able to handle that by discharging patients or shifting the beds," ani Legaspi.

Iginiit naman ni Legaspi na hindi pa sila puno at nasa 70 porsiyento pa lang ang nagagamit sa mga ward.

Ayon kay Legaspi, sa kanila dinadala ang mga COVID-19 patient mula Maynila, Parañaque, Pasay, Makati, Mandaluyong, San Juan, at Las Piñas

Sa PGH din umano dinadala ang mga pasyenteng galing sa Bureau of Corrections at iba pang quarantine facility.

"Hindi siya alarmignly high especially if you look at the severity of the patients, marami pa rin ang mild and moderate," ani Legaspi.

Sa Lung Center of the Philippines naman, napansin din nila ang pagdami ng pasyente noong unang linggo ng Hunyo, sabi ng direktor na si Tony Ramos.

"Prior to that we were hitting mid-60s... and then our high number was 79," ani Ramos.

Kung dating tig-isang pasyente sa isang kuwarto, ngayon ay 2 na.

Pero natuwa ang ospital nitong pumasok na linggo.

"From our high 79, for the past few days, nag-settle siya sa mid-60s," ani Ramos.

"We cannot be unmindful," dagdag ni Ramos.

Sa San Lazaro Hospital, nananatiling nasa 30 kada araw ang COVID-19 patients pero dumoble ang bilang ng nagpapa-swab test.

"Marami ang nagpapa-test, swabbing po," ani San Lazaro Hospital Spokesperson Ferdinand de Guzman.

Ayon sa PGH at Lung Center, kapag nagluwag sa quarantine level, tiyak na tataas ang magpopositibo sa COVID-19.

"I was not surprised when the numbers went up. It’s something that we expected and something that we prepared for," ani Ramos ng Lung Center.

Pero hindi pa raw dapat pakasiguro kahit pa nakaraos na ang mga ospital sa hirap na pinagdaanan sa unang bugso ng pandemic noong Marso.

Ngayong Lunes, umabot na sa 26,420 ang bilang ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 sa Pilipinas, kung saan 6,252 ang gumaling at 1,098 ang namatay.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.