Bacoor police nangangambang tumaas ang mga kaso ng pagnanakaw

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 05:46 PM

Naghahanda na ang mga pulis sa Bacoor City, Cavite sa pinangangambahan nilang pagtaas ng mga kaso ng pagnanakaw sa mga bahay ngayong panahon ng general community quarantine.

Ayon kay Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police, posibleng tumaas ang mga kaso ng pagnanakaw matapos mawalan ng hanapbuhay ang maraming tao dahil sa coronavirus pandemic.

"Based doon sa analysis namin, 'pag tumagal pa ang pandemic na ito, sigurado tataas at tataas itong mga kaso ng pagnanakaw," ani Cabatingan.

"Kalimitan kasi ngayon dito, itong mga nahuli natin dito, ito 'yong mga walang trabaho," paliwanag niya.

Marami rin daw wala ngayon sa kani-kanilang mga bahay sa Bacoor dahil na-lockdown sa ibang probinsiya.

Mula Marso hanggang Mayo, 7 may warrant sa kasong theft ang inaresto ng Bacoor police.

Mula naman Marso 17 hanggang Hunyo 8, 12 kaso ng pagnanakaw ang naiulat sa Bacoor, karamihan ay salisi at shoplifting.

Pinulong na rin ng pulisya ang mga homeowner at security sa mga subdivision para bigyan ng tips upang maiwasan ang mga kaso ng pagnanakaw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.