Alkalde ng Teresa, Rizal, nakaligtas sa pananambang; driver at security, sugatan

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 11:20 PM

MAYNILA - Nakaligtas sa pananambang si Teresa, Rizal Mayor Raul Palino Lunes ng hapon.

Sa report mula sa Rizal Provincial Police Office, nasa mabuting kalagayan ang alkalde. 

Sugatan at patuloy na ginagamot sa Saint Therese Hospital ang kaniyang driver na si Joel Balajadia at security detail na si Ruel Santos.

Sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na ang alkalde bandang alas-5 ng hapon nang bigla na lamang pagbabarilin ng mga salarin ang sinasakyan nitong kulay puting van. 

Walang tama ng bala si Palino ngunit sugatan sina Balajadia at Santos.

Sa kuha ng CCTV, unang hinabol at pinagbabaril ng dalawang salarin na naka-itim na jacket at puting t-shirt at pawang naka-face mask ang van ni Palino saka pinagbabaril. Nang nakalayo na ang van, humabol ang isa pang suspek na naka-itim din na jacket at shorts.

Wala umanong dalang sasakyan ang mga suspek at nagtakbuhan lamang patakas sa direksyon ng Antipolo.

Ikinasa na ng Rizal Provincial Police Office ang follow-up operation para malaman ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.