6 bagong kaso ng COVID-19, naitala sa Cagayan de Oro

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 11:17 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Umakyat na sa 21 ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Cagayan de Oro City matapos kumpirmahin ng City Health Office sa isang press conference nitong Lunes na may anim na kasong nadagdag.

Nadagdag sa mga kumpirmadong kaso ang isang 60 anyos na lalaking overseas Filipino worker (OFW) na residente ng Barangay Bulua. Nakauwi siya sa lungsod noong Marso 12 mula sa Indonesia.

Hunyo 5 nang bumisita siya sa isang pribadong ospital para kumuha ng requirements sa kaniyang pagbabalik sa trabaho. Nakakuha pa ito ng medical certificate sa City Health office noong Hunyo 8 at nakakuha rin ng travel authority sa Cagayan de Oro City Police Office.

Bumalik ito sa Maynila noong Hunyo 10 at sumailalim sa RT-PCR test. Ngunit nitong Hunyo 13 ay lumabas ang resulta na positibo siya sa COVID-19.

Limang magkakamag-anak rin ang nagpositibo sa COVID-19. Kamag-anak sila ng 34-anyos na babaeng COVID-19 patient mula Dabatian, Barangay Carmen na namatay noong Hunyo 7.

Kabilang sa mga nagpositibo sa COVID-19 ang kaniyang ama na 67 taong gulang, mga kapatid na babaeng 31 at 38 taong gulang, kapatid na lalaking 25 taong gulang, at anak nitong 18 taong gulang.

Dinala na sila sa city isolation unit noong Hunyo 8.

Sa 21 na COVID-19 cases sa Cagayan de Oro City, siyam ang active cases, anim ang recovered, at anim na ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.