3 timbog sa umano'y pagbebenta ng di lisensiyadong rapid test kits

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 03:56 PM

Inaresto ng pulisya noong Linggo ang 3 katao sa Makati City dahil sa umano ay pagbebenta ng mga hindi lisensiyadong rapid test kit online.

Hinuli ang mga suspek na sina Catherine De Quiros, Jason Hicban, at Jiggier Bernales matapos umano nilang bentahan ng rapid test kits para sa coronavirus disease ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa may Barangay Poblacion.

Hindi lisensiyado ang ibinebenta ng mga suspek na test kit, na nagkakahalagang P600 kada piraso, ayon kay Makati police chief Col. Oscar Jacildo.

Nasa 120 test kits ang narekober sa mga suspek na nagkakahalagang P72,000.

Nagpaala si Jacildo na delikadong gumamit ng mga rapid test kit kapag hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang mga suspek, na mahaharap sa kasong paglabag sa FDA Act.

Inaalam ng pulisya kung saan nakuha ng mga suspek ang mga test kit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.