10 bagong kaso ng COVID-19, naitala sa Caraga region

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 12:29 AM

BUTUAN CITY- Kinumpirma ng Department of Health Caraga na nadagdagan ng 10 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon nitong Linggo. 

Ito ay kabilang sa 55 specimens na pinadala sa Southern Philippines Medical Center sub-national laboratory para sa confirmatory testing.

Sa mga bagong kaso, 7 dito ay mga locally stranded individuals mula Cebu City at Manila na dumating sa Nasipit port, Hunyo 6 at Hunyo 3 via 2GO vessel.

Dalawa naman ang health worker na na-expose sa pasyenteng nagpositibo din sa sakit.

Isang lalaking LSI naman na bumiyahe mula Cagayan de Oro ang nagpositibo sa sakit. Dumating sa lungsod noong Hunyo 1 sakay sa kanyang motorsiklo.

Sa ngayon, may 32 nang kumpirmadong kaso sa rehiyon.

Mahigpit ang koordinasyon ng DOH Caraga sa mga LGU para sa pangangalaga ng mga nagpositibo. Hiniling ng DOH ang kooperasyon ng mga residente at isa-isip ang mga health protocols para maiwasan ang sakit na COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.