‘Sinungaling’: Paratang ng China na ‘kinuyog’ sila ng mga Pinoy sa West PH Sea kinondena

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2019 05:15 PM | Updated as of Jun 15 2019 07:03 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Dismayado ang ilang grupo sa naging pahayag ng Chinese Embassy ukol sa nangyaring insidente sa Recto Bank sa West Philippine Sea kung saan dawit ang isang Chinese vessel at bangkang pangisda ng mga Pinoy.

Sa isang Facebook post noong Biyernes na kalaunan ay binura, sinabi ng Tsina na kinuyog ng nasa 7 hanggang 8 bangka ng mga Pinoy ang Yuemaobinyu 42212 noong Linggo.

Habang papatakas, aksidente raw natamaan nito ang bangka ng mga Pinoy pero nang makita nilang nasagip ang mga sakay nito ay umalis na rin sila.

Depensa ng China, walang naganap na hit and run.

KASINUNGALINGAN

Pero sabi ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), hindi kapani-paniwala ang paliwanag dahil hindi daw kukuyugin ng sino mang Pinoy ang China. 

"We know of no history where Filipinos besieged Chinese fishermen. It's usually the Chinese coast guard and militia who are driving away Filipinos from our own fishing grounds . . . Again, it doesn't add up. We are being lied to and insulted, yet again," ani Bayan secretary general Renato Reyes.

Hinamon naman ni Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) national chairperson Fernando Hicap ang China na ilantad kung sino ang mga nasa loob ng Yuemaobinyu 42212 upang ipaliwanag ang totoong nangyari. 

Pati ang mga mangingisda na parte ng binanggang GEM-VIR1, nanggagalaiti sa paghuhugas-kamay ng China. 

Naninindigan sila sa kanilang istorya na nakaangkla sila at nagpapahinga noong hatinggabi ng Linggo nang bigla silang bundolin ng Chinese ship. 

"Galit na galit kami kasi iniwan kami. Wala kaming ginagawang masama," sabi ni Jaypee Gordiones, isa sa mga mangingisda sa loob ng GEM-VIR1. 

Watch more in iWantTFC

Sabi naman ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, ipinapakita ng insidente ang pagiging agresibo ng China sa kanilang inaangking teritoryo. 

Dagdag ng mahistrado, dapat humingi ng danyos sa China ang mga Pinoy para sa mga may-ari ng GEM-VIR1, na winasak at hindi na mapapakinabangan pa. 

"The Filipino people must take a strong stand against this latest aggressive act of China. The Filipino people must demand from China compensation for the owner of F/B Gimver 1, and punishment for the captain and crew of the Chinese vessel that rammed in hit-and-run fashion F/B Gimver 1," ani Carpio.

Naghain na ng isang diplomatic protest ang Pilipinas para imbestigahan ng China ang nasabing insidente. 

—Ulat nina Raphael Bosano, Jekki Pascual, at Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.