Pamilya ni Gian Habal nagalak sa pagkakasibak ng pulis na suspek

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2019 04:49 PM | Updated as of Jun 15 2019 09:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagagalak ang pamilya ng 6 na anyos na si Gian Habal dahil sa pagkakasibak sa puwesto ng pulis na nakabaril sa bata sa Caloocan City noong noong Abril 28.

Biyernes nang pirmahan ni Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang dismissal order laban kay Police Cpl. Rocky Delos Reyes dahil sa sari-saring paglabag.

Sabi ng lola ni Habal na si Elsa Montañez, nagpapasalamat siya sa pag-usad ng kaso.

"Nakakatuwa naman dahil tinanggal na siya sa trabaho. Pero di lang 'yan nararapat sa kaniya. Pagbayaran niya lahat ng ginawa niya sa amin," aniya.

Si Delos Reyes ang nadiskubreng nakabaril sa batang si Habal matapos umanong madamay sa isang engkuwentro.

Nang komprontahin naman si Delos Reyes ni Montañez, binaril din umano niya ang matanda sa paa at saka tumakas sakay ng motor.

Sabi ni Montañez, hanggang ngayon ay pineperwisyo siya ng ginawang pagbaril sa kaniya ni Delos Reyes.

"Sa ngayon, pa-recover pa lang sa sobrang hirap na dinanas ko sa ginawa sa akin ng pulis na 'yun . . . 'Yun ang mahirap sa akin, ang gastos sa pabalik-balik sa ospital."

Sabi naman ng ina ng biktima na si Jessa Habal, hanggang ngayon ay nangungulila pa rin siya sa biglaang pagkamatay ng anak.

"Mahirap po, lalo 'pag mag-isa ako. Nami-miss ko ang paghatid-sundo ko sa kaniya. Ang hirap pa ring tanggapin na wala na siya sa piling ko," ani Jessa.

Maliban sa mga reklamong administratibo, nahaharap ang pulis sa mga kasong homicide, physical injury, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Law at Omnibus Election Code.

Sa pagkakasibak kay Delos Reyes, mawawalan na ito ng lahat ng benepisyo ng isang pulis at hindi na rin siya maaaring magtrabaho sa gobyerno.

Gayunpaman, may karapatan daw si Delos Reyes na iapela ang desisyon bago ito maging pinal.

"Bibigyan natin siya ng 10 araw na ma-submit niya ang kaniyang motion for reconsideration," sabi ni Eleazar sa ABS-CBN nitong Sabado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.