Higit P100,000 halaga ng 'marijuana' nasamsam sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2019 03:48 PM

Arestado ang isang lalaki matapos mahulihan umano ng hinihinalang marijuana sa buy-bust operation na ikinasa ng Calamba City Police Biyernes ng gabi. 

Ayon sa pulisya, matagal nila minanmanan ang suspek. Nasa watchlist din umano ng Calamba City Police ang lalaki. 

Aabot sa 3 kilo ng umano’y marijuana ang nakuha sa suspek. Tinatayang nagkakahalaga ito ng higit P100,000. 

Bukod sa mga hinihinalang marijuana, may nakuha ring timbangan at marked money mula sa suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na sa Quezon City umano nanggagaling ang suplay ng suspek na nagbebenta sa Calamba City, mga kalapit na bayan at lungsod.

Aminado umano ang suspek na nagbebenta siya ng ilegal na droga pero kuwestiyonable aniya ang paghuli sa kanya.

Nasa kustodiya na ng Calamba City Police ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

-- Ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.