2 human rights worker patay sa pamamaril sa Sorsogon

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2019 06:37 PM

Patay ang 2 human rights worker matapos pagbabarilin sa Sorsogon City nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ang mga biktimang sina Ryan Hubilla, 22, at Nelly Bagasala, 60, mga miyembro ng Sorsogon People's Organization (SPO).

Ayon kay Police Lt. Col. Eymard Gomez, hepe ng Sorsogon City Police, pinagbabaril ng 2 lalaking naka-motorsiklo ang mga biktima alas-9 ng umaga Sabado.

Unang binaril si Hubilla na kakababa lang ng tricycle, sumunod na pinaputukan si Bagasala.

Nakatakbo at nakaligtas ang isa pa nilang kasamahan na hindi muna pinangalanan ng pulisya.

Ayon kay SPO chairman Guillermo Abraham, naniniwala siyang may kinalaman sa trabaho ng mga biktima bilang human rights workers ang motibo ng pamamaril at nasa hanay ng gobyerno ang responsable.

Mahigpit kasi ang kanilang kampanya laban sa human rights violation sa Sorsogon lalo pa't nasa 29 ng kaso na ng extrajudicial killings ang naitala sa probinsiya sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang grupo kasama ang Bayan-Bicol sa pangyayari.

Isa pa sa mga tinitingnan ng grupo kung may kinalaman ang pamamaslang sa 2 sa pagpapapalaya noong Biyernes sa 3 political prisoner mula sa bayan ng Pilar, Sorsogon.

Kasama kasi sina Hubilla at Bagasala sa mga naghatid sa mga nakalayang bilanggo sa kani-kanilang bahay.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari. —Ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.