TINGNAN: Pagdiriwang ng Eid'l Fitr sa iba't ibang bahagi ng bansa

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 08:58 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Dumagsa ang mga mananampalataya sa relihiyong Islam sa iba't ibang mosque sa bansa upang masayang ipagdiwang ang Eid'l Fitr o pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan. 

Sa Grand Mosque sa Cotabato City, dagsa ang mga mananampalataya para sabay-sabay na magdasal at magpasalamat sa pagtatapos ng Ramadan, na parte ng 5 pillars of Islam.
    
Bahagi raw kasi ito ng sakripisyo para malinis ang kanilang mga kasalanan.

Sabay ding nakidasal ang mga sundalo't sibilyan sa 6th Infantry Division sa Awang, Maguindanao.
    
Sumali rin sa pagdiriwang ng Eid'l Fitr ang mga Kristiyano sa Kauswagan, Lanao del Norte, kabilang si Father Chito Soganub na dati nang naging bihag sa bakbakan sa Marawi.

Layon ni Soganub na paglapitin ang mga Kristiyano't Muslim, magkaiba man ang paraan ng pananampalataya.

Sa Maynila, libo-libo rin ang nagdasal sa Quirino Grandstand.
    
Marami sa mga nakausap ng ABS-CBN News, pinagdarasal ang Marawi, na sana'y maitayo na ulit ng mga bakwit ang kanilang tahanan.

Makulay naman ang mga dekorasyon ng entablado sa labas ng Golden Mosque sa Quiapo.

Sa mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nitong umaasa siyang makakamit na ang kapayapaan sa Mindanao sa tulong ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

"We hope that the BBL will soon be passed, in a form that adequately reflects the hopes and dreams of our dear Bangsamoro brothers and sisters, to end their long-drawn suffering and fulfill their desire for lasting peace," ani Duterte.

Hiling rin ng Pangulo ang pagkakaisa ng iba-ibang kultura't paniniwala.
    
--Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.