Pamimigay ng ayuda vs TRAIN umarangkada; ilang nabigyan 'nakulangan'

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamimigay ng "unconditional" o walang kondisyong cash assistance sa mga mahihirap na senior citizens na apektado ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

May 700 senior citizens mula San Fernando, Pampanga ang buwenamanong nakatanggap ng sobre mula DSWD na may P2,400 cash, o lumalabas na P200 kada buwan sa isang taon.

Isa ang 85 taong gulang na si Virginia Capati sa nakatanggap, na kahit aminadong kulang ay nagpasalamat pa rin sa ahensiya. 

"Kulang ang P200, sa pamamalengke ko nga ang P500 kinukulang. Pero puwede na rin," ani Capati. 

Sa ilalim ng Unconditional Cash Transfer program, 3 milyong mahihirap na senior citizens, 4.6 milyon na benepisyaryo ng conditional cash transfer (CCT) program, at 2.6 milyong karagdagan pang mahihirap na pamilya ang bibigyan ng tulong. 

"Hindi naman po ito malaking halaga, ang hinihingi po namin ay paumanhin at sana makatulong din ito sa ating pang araw-araw na pangangailangan," ani Virginia Orogo, acting secretary ng DSWD.

May panukala naman ang Department of Finance (DOF) na maaari pang mas makapagpagaan ng pasanin ng mga mahihirap. 

"For these things, hindi sapat, [but] what we need to do ay ang rice tariffication, dahil pag ginawa ito, bababa ang presyo ng bigas ng P7," mungkahi ni DOF Assistant Secretary Tony Lambino. 

Bukod naman sa cash assistance, nakatanggap din ng harana ang mga senior citizen mula kay Lambino, na dating miyembro ng grupong Smokey Mountain.

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.