Kaunting huli dahil sa ulan, daing ng mga mangingisda sa Scarborough

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 10:28 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Iniinda ng mga mangingisda sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal) ang ilang araw nang kakaunting huli dahil sa masamang panahon.

"Kung walang-wala talaga, apat na araw nang walang huli...mabubuhay ka pero halos puro utang ka," ani Romel Cejuela Jr., mangingisda sa pinag-aagawang teritoryo.

Isang linggo nang halos walang tigil ang buhos ng ulan sa ilang parte ng bansa bunsod ng Habagat na mas pinalakas pa ng nagdaan na bagyong "Domeng."

Ani Cejuela, hindi makaya ng mga bangka na suungin ang lakas ng hangin at taas ng alon sa karagatan.

Sumusubok din siya na manghuli nang paisa-isa ngunit madalas ay wala rin siyang naiuuwi.

Naalarma naman Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na posibleng mas kumaunti pa ang isda sa Panatag Shoal.

Ito ay matapos makita ang mga durog at patay na mga coral reef sa teritoryo na maaaring dulot ng cyanide at dinamita.

"Ang iba pwedeng tutubo pa kapag hindi galawin, pero it will take 40 years bago tumubo, matatagalan bago manumbalik," ani BFAR station head Armando Morales.

Hindi sigurado kung expired

Hindi makasiguro ang ilang mangingisdang Pilipino sa mga pagkaing ibinibigay ng China kapalit ng mga bulto-bultong isda na nahuhuli nila.

"Hindi naman mabasa 'yong expiration date, baka matagal nang stock [at] sasakit lang tiyan namin...kaya hindi na namin kinakain," ani Kevin Forones.

Aniya, iba-iba umano ang ugali ng mga Tsinong umaakyat sa mga bangka nila.

"Kumuha sila ng kalahating banyera, ang ipinalit manok, eh ayaw namin ng manok, ang ginawa nila tinuturo pa 'yong coastguard nila," ani Forones.

May ilang mangingisda naman na itinanggi na sira ang mga pagkaing ipinapalit ng China.

"Bigyan nila kami ng kalahating sako ng bigas, tsaka mga noodles, tubig, parang nag-rocery na rin kami, ang kapalit lobster," ani Viany Mola.

Dagdag pa ni Mola, 10 hanggang 15 kilo ang kinukuha ng mga Tsino. Maliit aniya ito kung ikukumpara sa 3,000 hanggang 4,000 kilo ng isda na nauuwi ng mga mangingisdang Pilipino.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na "pangingikil" at hindi simpleng palitan ng produkto ang nangyayari sa pagitan ng mga Pilipino at Tsino sa Panatag Shoal.

"Hindi po natin tinatanggap na barter iyon, ang sabi ko nga po 'fish thievery' pero Tagalugin na natin, pangongotong o pangingikil," ani presidential spokesperson Harry Roque.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.