Clerk sa Manila City Hall, kulong nang maglabas ng baril sa beer house sa Tondo

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 02:54 PM

MANILA - Arestado ang isang clerk ng Manila City Hall dahil sa paglalabas ng baril sa isang beer house sa Delpan, Tondo, Biyernes.

Lasing na raw nang dumating sa restobar ang lalaking si alyas "Jonathan" at tumabi sa table kung saan nag-iinuman ang 6 na tauhan naman ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagkainisan si Jonathan at ang mga lalaki kaya naglabas ng baril si Jonathan.

Bagamat lisensyado ang baril ni Jonathan at hindi naman niya ito itinutok at ipinutok sa kahit na sino, nagsumbong pa rin ang mga taga-MTPB sa Delpan Police.

Naaktuhan ng mga pulis na pinaglalaruan ni Jonathan ang kaniyang baril kaya inaresto ito at dinala sa Manila Police District Station 2, sabi ni Senior Inspector Edwin Fuggan.

Ayon kay Fuggan, kahit may permit to carry, bawal pa ring dalhin ang mga baril sa mga inuman.

Kakasuhan si Jonathan ng alarm at scandal at posible itong makulong ng hanggang 6 na taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.