Alahas, pera, 'digibox', tinangay ng akyat-bahay sa Davao

Clarabelle Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 02:57 PM

DAVAO CITY - Tinangay ang mga alahas, pera at digital TV box ng mag-asawang nilooban ng mga akyat-bahay sa Barangay 27-C dito sa lungsod, Biyernes.

Ayon sa mag-asawang sina Juliet at Noel Paliman, mahimbing ang kanilang pagkakatulog nang bigla nagising si Juliet at nakita ang magnanakaw na kukunin na sana ang kanilang TV.

Napasigaw na lang si Juliet kaya't tumakas agad ang 2 kawatan.

"'Di ko talaga nakita kung ano ang mukha basta nakita ko na nakasombrero at naka-backpack sila," sabi ni Juliet

Nagtataka naman si Noel kung paano nakapasok ang mga kawatan dahil nakasarado naman ang kanilang pintuan.

"Nanginginig ako, sayang ang pinagsikapan namin," ani Noel.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente.

Ayon sa mga pulis, mino-monitor na nila ang ilang personalidad na maaaring may kinalaman sa panloloob sa bahay ng mag-asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.