PNP, naniniguro, naglalatag ng seguridad sa Kamaynilaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 06:31 PM | Updated as of Jun 16 2017 03:40 AM

Kahit walang nakikitang banta ng terorismo sa Metro Manila, naglatag ng mas pinaigting na seguridad ang Philippine National Police National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) sa mga matataong lugar, pati na rin sa mismong headquarters nila sa Camp Bagong Diwa.

Bilang paniguro na walang pag-atakeng magaganap, lalo't mataas ang pangamba ng pag-abot sa Maynila ng sigalot sa Marawi, hahawakan na ng Philippine National Police ang lahat ng usaping panseguridad sa malalaking pagtitipon gaya ng mga konsiyerto. 

Kasama na rito ang pagpapakalat ng daan-daang pulis sa loob at labas ng Mall of Asia Arena upang magbantay sa konsiyerto ng international pop singer na si Britney Spears mamayang gabi ng Huwebes.

Bukod sa mga pulis, naglagay na rin ng karagdagang CCTV at mga facial recognition cameras sa loob ng venue.

Isinagawa ang mga hakbang na ito upang mas madaling makaresponde ang pulisya sa anumang maaaring mangyari. 

Gayunpaman, wala umanong natatanggap ngayon na banta ng terorismo ang pulisya. Nais lang nilang siguruhing walang makalulusot na mga taong nais manggulo. 

"Tayo na ang may control dito... Wala naman tayong nakikitang retaliatory attacks, pero naghahanda pa rin tayo," ani NCRPO chief Director Oscar Albayalde. 

Pinatindi rin ang seguridad sa Camp Bagong Diwa, ang mismong headquarters ng NCRPO. Kasalukuyang nakapiit sa nasabing kampo ang ama at ina ng mga Maute na sina Cayamora at Farhana Maute, pati na rin ang ilan pang mga kamag-anak at kasamahan nila. Doon din nakadetine ang dating Marawi Mayor na si Fahad Salic. 

Samantala, pansamantalang itinigil ang operasyon ng isang commuter train ng Light Rail Transit matapos makakita ng kahina-hinalang bag sa loob ng istasyon. Matapos imbestigahan, napag-alamang nakalimutan lamang ito ng may-ari, at damit ang laman nito.

Patuloy na nakataas sa full alert ang buong PNP laban sa banta ng terorismo at karahasan.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News