Pag-ibig sa giyera: Mag-asawang nagkahiwalay sa Marawi, muling nagkita

Jeff Canoy, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 06:33 PM

Siya si Saipoding Mariga.

Nakilala namin siya nung Hunyo 5. Nasa press conference kami ‘nun ng mga matataas na opisyal ng gobyerno at militar. 

Habang nagtatanong ang media, sumingit bigla si Saipoding at tinanong ‘yung mga opisyal.

“Pwede ninyo ba i-rescue ‘yung asawa ko? Sugatan siya. At nasa loob pa rin ng warzone.”

Tapos medyo nataranta ‘yung mga opisyal. Siyempre nga naman, di nila inasahan ‘yung ganun na tanong.

Akala nila na media lang ang magbabato ng mga tanong na 
mahirap sagutin.

Pero sabi ng mga opisyal, tutulungan nila si Saipoding.

Maya-maya, lumabas na si Saipoding ‘dun sa tent sa may kapitolyo kung saan ginawa ‘yung press conference.

Galing pa raw siya ng Maynila. At naghanap ng paraan para makarating ng Marawi para mapuntahan ang asawa.

Tas ‘yun, naiyak na lang siya. Nagmakaawa na itigil ang airstrike dahil baka raw madamay ‘yung asawa niya.

May communication pa raw sila ng asawa niyang si Geraldine. Pero di niya alam kung hanggang kailan pa.

‘Nung June 8, tinawagan ako ng kasama ko na si Chiara Zambrano. Nakita raw niya sa Saipoding.

Nasa checkpoint at napapaalam sa militar kung pwede raw ba na siya na lang ang mag-rescue sa asawa niya.

May dala siyang tubig, saging at isang slice ng egg pie.

Wala na raw silang contact. At di niya alam kung may kinakain pa ang sugatang asawa.

Pero siyempre, delikado kasi may mga nagliliparang bala tas may mga bumabagsak na bomba.

So ‘yun, di siya pinayagan.

Bumalik na lang si Saipoding sa kapitolyo. Araw-araw, dun lang siya. Paikot-ikot. Naghihintay ng kahit anong balita sa asawa niya.
Kagabi, biglang nakatanggap ng tawag si Saipoding.

Na-rescue na ang asawa niya ng mga militar.

Nadatnan ni Saipoding sa kapitolyo si Geraldine. Nakaratay sa stretcher. Hinang-hina. Di makausap. Isinusugod papasok ng clinic.

Sabi nung isang doktor, nag-septic shock na.

Nagkaroon na ng infection ‘yung mga sugat ni Geraldine mula sa tama ng mga baril at mga shrapnel ng bomba.

Dalawampu’t dalawang araw na hinanap ni Saipoding ‘yung asawa niya. Tas ‘yun lang pala.

Kinailangan ni Geraldine na salinan ng dugo.

Pero ‘yung stock ng dugo ng Amai Pakpak hospital, nasira. Nawalan kasi sila ng kuryente ‘nung umatake ‘yung Maute group.

Pero di pumayag ‘yung doktor at isang rescuer na ganun-ganun na lang.

‘Nang malaman nila na Type B yung dugo ni Geraldine, sila na mismo ‘yung nag-donate ng dugo.

Kaninang hapon, nakita ko na magkatabi si Saipoding at Geraldine sa ospital.

Stable na raw ang kundisyon ng asawa. 

Habang nag-uusap kami, di rin binibitawan ni Saipoding yung kamay ni Geraldine.

Pinapa-kwento niya kay Geraldine kung paano siya nabuhay sa loob ng warzone.

‘Nung umatake ang Maute, kasama pala ni Geraldine ‘yung kapatid ni Saipoding sa bahay.

Pero ‘nung matamaan na siya ng bala, umalis ‘yung kapatid para humingi ng saklolo.

Pero di na nakabalik sa bahay dahil hinarang na siya at tumindi na ‘yung bakbakan.

Labing-walong araw si Geraldine na mag-isa sa bahay. Sugatan. At di na alam kung ano ang gagawin.

Napa-iling na lang si Saipoding at binulong sa asawa:

“Sorry at hindi kita agad na-rescue. Sana maintiindihan mo. Ang importante ay kilala mo ako, nagkita tayo at ‘yun lang ang kailangan ko. At ‘yun lang din ang kailangan mo.”

Ito ‘yung larawan nina Saipoding at Geraldine kanina.

Sila na hinamak ang digmaan para lang mahanap ulit ang isa’t isa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.