Mga Pinoy, pinangangambahang kasama sa nawawala sa London fire

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 06:12 PM | Updated as of Jun 16 2017 04:02 AM

Malaki ang posibilidad na may mga Pilipinong kasama sa mga listahan ng mga nawawala sa pagkasunog ng 24-storey Grenfell residential tower sa West London.

Kinumpirma ito ng isang Filipina survivor sa exclusive interview ng ABS-CBN. 

Nasa state of shock pa rin si Nida Mangoba kasama ang kanyang asawa at anak, habang bitbit ang personal na mga gamit sa paglipat sa pansamantalang matutuluyan. 

Ayon kay Mangobo, mabilis na kumalat ang apoy sa upper floors ng building na nagsimula sa 4th floor. Nagising na lang umano siya sa smoke alarm. 

Isa ang tinutuluyan ng mga Mangoba sa mga natupok ng apoy sa sunog na tumagal ng halos 24 na oras.

Tanging passport, plane tickets at ilang mga damit ang naisalba ng pamilya mula sa kanilang tinutuluyan nang 32 taon.

Nakatakdang bumisita ang pamilya sa kanilang probinsiya sa Pangasinan sa susunod na buwan. 

Humingi naman ng tulong si Senador Joel Villanueva sa media para mahanap si Ligaya Moore na naiulat na nawawala sa pagkasunog ng residential tower. Nasa 17th o 24th floor ng building umano si Moore na miyembro ng Christian group na Jesus is Lord Movement (JIL) na itinatag ng ama ni Villanueva na si Bro. Eddie.

Kuwento ng paring Pinoy

Salaysay ni Fr. Larry Galon, parish priest ng St. John Church, nakita niya mismo ang nasa 20 katawan na nakuha ng awtoridad.

''Nakita ko iyung maliliit at saka malalaking katawan gawa ng most of the people who were left doon sa building na iyun ay mga matatanda at saka mga bata. Children at saka elderly, sila iyung naging prone doon sa sunog,'' ani Galon.

''Nakakapanlumo talaga ng loob. Parang gusto ko na lang maiyak kanina gawa ng pag-retrieve nila ng bodies.''

Dagdag pa niya, magbibigay ang London town hall ng matutuluyan ng mga biktima ng sunog. 

''So far, napakagaling ng pagtutulungan dito, mga Filipino at iba’t ibang lahi. Lahat nagtutulungan at kitang-kita yung effort sa bawat isa upang maiahon yung mga nasalanta sa sunog,'' aniya.

"Kitang-kita ko rin iyong heroes dito sa West London, ‘yung mga firefighters na ginawa talaga nila lahat para lang ma-retrieve yung katawan before ‘yung time na tatagal pa yung bodies dun sa loob ng building."

Aksiyon ng embahada

Kinumpirma naman ng embahada ng Pilipinas na may mga Pilipinong kasama sa 70 sugatan sa sunog. 

Isinugod naman ang 7 buwang Pinay baby sa ospital dahil sa bahagyang suffocation. Sa ngayon, mabuti na ang kalagayan ng sanggol at maari nang mailabas ng ospital kapag tuluyan nang gumaling.

Ayon sa embahada ng Pilipinas, nabisita na nila ang mga Pilipino na dinala sa ospital dahil sa natamong sugat sa sunog. 

Pinayuhan din ang mga Pilipino na huwag munang bumalik sa kanilang mga tahanan hanggang sa ma-stabilize na ang sitwasyon doon. 

Patuloy na binabantayan ng embahada ang sitwasyon at may mga apela na ang mga Filipino community sa UK ng tulong para sa mga naapektuhan.

Hindi pa rin matukoy ang sanhi ng sunog. 

--May ulat ni Antonino Coloso Gamboa, ABS-CBN Europe News Bureau 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.