Mga pananim sa South Cotabato, sinalakay ng 'black bug'

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 09:58 PM

Sinalakay ng mga "black bug" ang may 10 ektarya ng palayan sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.

SOUTH COTABATO- Sampung ektarya ng palay ang nasira sa pag-atake ng pesteng "black bug" sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.

Siyam na magsasaka ang apektado.

Isa sa kanila si Danilo Doroteo na 40 taon nang nagtatanim ng palay.

Ayon kay Doroteo, ngayon lang siya nakaranas ng pinakamalaking lugi sa 3-ektaryang palayan nya.

Kung dati, sa isang ektarya, nakakaani siya ng 80 sako ng palay, sa tantiya niya ngayon ay nasa 10 hanggang 15 sako na lang ang kanyang maaani.

Mahirap umanong mapuksa ang black bug dahil mabilis dumami.

“Halimbawa kapag nasa palayan na sila, maghihintay ka pa ng full moon baka umalis na. so, one month ang hihintayin mo. So, wala na yang palayan mo, patay na lahat yan,” ani Doroteo.

“Akyat man sa palayan, masusunog man ang palay. Sinisipsip nila ang katas ng palay. Wala na, masunog na."

Ayon sa mga apektadong magsasaka, kapag inatake ng black bug ang palayan, natutuyo ang mga tanim.

Labindalawang sako na puno ng black bag ang nakuha mula sa 10 ektarya ng palayan ng mga magsasaka.

Ayon sa kanila, kulang pa umano ito dahil patuloy pa sa pagsalakay ang mga black bug sa kanilang mga pananim.

Ayon kay punong barangay Juner Magbanua, naisangguni na nila sa Department of Agriculture ang pamemeste ng black bug at nangako umano ang ahensya na magbibigay ng ayuda sa mga apektadong magsasaka.

Pero sa ngayon inabisuhan muna ang mga magsasaka na sabay-sabay na magtanim.

“Halimbawa sa month of June or month July kailangan lahat ng mga farmer natin makakatanim na sila,” ani Magbanua.

Naglagay na ng light trap o ilaw sa palayan ang mga magsasaka dahil naaakit nito ang mga black bug. Iminumungkahi rin sa mga magsasaka na mag-alaga ng mga itik dahil kumakain ang mga ito ng black bug. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.