'Mga naipit na sibilyan sa bakbakan, tagaluto, tagabuhat ng Maute'

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 09:23 PM | Updated as of Jun 16 2017 03:30 AM

Hindi na lamang ‘human shield’ ang ginagampanang papel ng mga naipit na sibilyan sa bakbakan sa Marawi.

Ayon sa tagapagsalita ng 1st Infantry Division Lt. Col. Jo-ar Herrera, ginagamit na rin ang mga sibilyan bilang tagaluto, tagabuhat, at iba pa.

"Hostages ginagamit nilang tagaluto, tagabuhat ng wounded nila, tagabuhat ng bomba nila kung saan ilalagay," ani Herrera.

Samantala, umabot na sa 37 sibilyan ang kumpirmadong namatay sa Marawi.

Pero ayon sa tagapagsalita ng Crisis Committee na si Assemblyman Zia Alonto Adiong, daan-daang sibilyan na ang namatay base sa nakita ng mga nakausap nilang survivor o mga lumikas na residente.

Ayon sa militar nasa 202 naman sa kalaban nila ang napatay na. Pero kahit nakuha nila ang walong building na ginawang sniper area ng Maute, marami pa rin anila ang kalaban nila.

“We’re still confronting around 150-200 militants… These are all combined armed militants Abu Sayyaf local terror group, Maute and other armed groups and foreign fighters,” ayon kay Herrera.

Relief goods para sa Marawi, hinarang

Hinarang ang mga relief goods na inakyat sa Marawi Huwebes dahil nasa firing lane na rin ng mga terorista ang Provincial Capitol.

Nasa apat na barangay ng Marawi na lamang ang hawak ng Maute ngayon mula sa 96 noong simula ngunit matindi pa rin ang depensa ng grupo at umaabot hanggang kapitolyo ang firing line ng mga sniper nito.

“Direction coming from enemy is towards this area which includes the 103rd Brigade and Capitol. Malayo siya pero still in the line of sight,” ayon kay Herrera. 

Bunsod nito, bawal pa ring umakyat ang mga sibilyan sa Marawi. Hindi rin pinayagan ang mga relief goods na dala kanina ng isang non-governmental organization.

Nasa 400 relief packs ang ipapamahagi sana ng Kalinaw Mindanao at Makabayan Bloc ng Kongreso. Kasama din dito ang relief goods na bigay ng aktres na si Angel Locsin na kamakailan lang ay bumisita sa Marawi.

"May mga last minute rules, clearing pa, hindi natin hold ang nagyayari, pasensya na po kasi na set ninyo I was not informed," ayon kay Maharlanie Alonto, DSWD Head, Lanao Del Sur.

Nangyari sa Marawi, nais paimbestigahan

Ayon sa Institute for Policy Analysis of Conflict, ang Pilipinas ngayon ang mistulang napipiling destinasyon ng mga extremists para sa kanilang tinatawag na jihad.

Dahil dito, nais paimbestigahan ng Bayan Muna party-list sa Kongreso ang nangyayari sa Marawi. 

"Sinabi nila failure of appreciation, mas malala ‘yun dahil mayroon ka na pala intelligence report five days before this happened, mayro’n na report na pinabayaan mo," ani Rep. Carlos Zarate. 

Pero ayon sa military, kaunting panahon na lang at matatapos na nila ang kanilang misyon.

"It’s a matter of time, kaunting pasensiya na lang po. AFP and PNP have lost 58 lives just to liberate Marawi, hindi po ‘yun biro, you cannot bring back the lives of these people kaya kami humihingi ng suporta," ayon kay Herrera. 

Kahapon lang, 14 na sundalo ang lumabas sa war zone na sugatan, pero bumalik ulit mabawi lang sa kamay ng kanilang kalaban ang Marawi. 

-- Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.