Mga miyembro umano ng criminal gang, arestado sa Pangasinan

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 09:29 PM

PANGASINAN - Anim na pinaghihinalaang miyembro ng isang criminal gang, kasama ang isang kapitan ng barangay, ang arestado sa Barangay San Julian sa bayan ng Balungao, Pangasinan.

Kumpiskado rin mula sa grupo ang 10 baril, dalawang hand grenade, isang rifle grenade, bullet proof na vest at sari-saring mga bala.

Bukod sa pagiging miyembro umano ng isang criminal gang, hinihinalang gun for hire din ang ilan sa kanila.

Anim sa pitong subject ng search warrant ang naaresto, kasama ang barangay captain na si Wilson Gaon.

Giit niya, malaking personalidad ang nagdidiin sa kanila. Itinanggi rin ng mga suspek ang mga akusasyon. Ayon sa isa sa mga naaresto, kinakalaban lamang sila ng mga dating nakaalitan.

Kinukuwestiyon rin ni Gaon ang pagiging lehitimo ng operasyon.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente, kasama na rito ang pagbusisi sa mga serial number ng mga nakumpiskang baril para malaman kung ilan sa mga ito ang kabilang sa mga nawawalang baril ng Urdaneta City Police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.