'Maute bomber', arestado; Maute cousins, patay

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 12:17 PM | Updated as of Jun 16 2017 04:37 AM

Arestado ang umano'y bomber, o tagagawa ng bomba ng grupong Maute, umaga ng Huwebes sa Cagayan de Oro City. 

Inaresto si Mohammad Noaim Maute, alyas 'Abu Jadid', sa Barangay Macasandig bandang alas-7 ng umaga, ayon kay Philippine National Police Regional Office 10 spokesperson Supt. Lemuel Gonda.

Itinuturo si 'Abu Jadid' bilang kaanak nina Omar at Abdullah Maute, ang mga namumuno sa grupong Maute sa bakbakan sa Marawi. 

Gumamit umano ito ng pekeng student ID ng Mindanao State University sa pangalang Alfaiz P.

Kasalukuyang nakadetine ito sa Camp Alagar ng PNP sa Cagayan de Oro. 

Kabilang si Maute sa arrest order na inilabas ng Department of National Defense para sa higit 100 pinagsususpetsahang kasapi o nakikipagtulungan sa Abu Sayyaf, grupong Maute, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at grupong Maguid. 

Iba pang miyembro ng Maute, patay 

Dalawang pinsan ng magkapatid na Maute ang kasama sa apat na namatay sa naiulat na ambush ng isang police car sa Lanao del Norte noong Sabado, kinumpirma ng ilang source ng ABS-CBN nitong Huwebes.

Inaresto ang dalawa kasama ang ina ng mga Maute na si Farhana sa Masiu, Lanao del Norte. 

Sina Zulkifli at Aliasgar Maute sa isang retratong ibinahagi sa ABS-CBN News.

Sa retratong ibinahagi sa ABS-CBN News, ang lalaki sa kaliwa ay nagpakilalang si Hadji Solaiman, samantalang ang lalaki sa kanan ay nagsabing siya si Zulkifli Maute.

Itinanggi naman nilang kasapi sila ng kahit anong grupong Maute. 

Nagmakaawa pa umano si Solaiman na iligtas siya mula sa kamay ng mga Maute.

Gayunpaman, nakita sa mga record na si Solaiman ay si Aliasgar Maute na kapatid ni Zulkifli. 

Kinilala ang dalawa bilang pinsan ng mga pinuno ng Maute na sina Omar at Abdullah. 

Itinanggi naman ito ni Zulkifli, hanggang pinakitaan ito ng retrato nila ni Solaiman na nag-eensayo kasama ang grupong Maute sa Butig noong 2013.

Zulkifli at Aliasgar Maute sa Maute training camp sa Butig noong 2013. Isang batang fighter ang nasa gitna nila.

Hindi na nagbigay ng pahayag si Zulkifli matapos nito. 

Sa gabi ng kanilang pagkakaaresto, dinala ang dalawa para malitis sa Cagayan de Oro, ngunit naiulat na na-ambush ang kanilang sinasakyang police car. 

Sugatan ang 3 pulis, ngunit patay si Aliasgar, Zulkifli, at 2 iba pang naarestong kasama nila. 

-- Ulat nina Greanne Mendoza at Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.