Lalaking may bitbit na nakaw na baterya ng truck, arestado

Fred Cipres, DZMM

Posted at Jun 15 2017 12:29 PM

Arestado ang isang 53-anyos na lalaki matapos mahuli ng drayber na bitbit ang baterya ng kanyang truck sa Valenzuela City.

Kinilala ang suspek na si Robert Leonardo Jacinto, residente ng Bagbagin, Caloocan.

Kuwento ni Adonis de Castro, driver ng truck, ipinarada niya ang truck sa loob ng parking compound ng kanilang kumpanya sa Barangay Canumay West, Valenzuela. Walang gate ang naturang compound kaya’t nakakapasok ang mga tao. 

Kakain umano sana siya nang may marinig na ingay kaya’t binalikan niya ang truck. Nakasalubong umano niya ang suspek na dala-dala na ang baterya ng kanyang truck.

Agad niyang tinawag ang barangay tanod sa lugar at hinuli ang suspek.

Todo-tanggi naman si Jacinto sa paratang. Dumaan lamang umano siya sa lugar para maglaro ng bilyar.

Ngunit ayon sa barangay, walang bilyaran na malapit sa lugar ng pinangyarihan.

Desedido naman ang may ari ng truck na si Ronaldo Juco na kasuhan ng theft ang suspek na nakakulong na sa Valenzuela police headquarters.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.