Ban sa pagpapadala ng Pinoy sa Qatar, tuluyan nang inalis

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 06:35 PM | Updated as of Jun 16 2017 04:20 AM

Tinanggal na ng Department of Labor and Employment ang suspensiyon sa pagpapadala ng new hires sa Qatar, base sa mga rekomendasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Overseas Labor Office (POLO).
 
"This morning at 10 o'clock, na-lift ko na rin, so lahat na... 'yung mga nag-a-apply puwede nang i-process 'yung kanilang application," ani Labor Secretary Silvestre Bello III

Ayon sa labor attache ng Pilipinas sa Qatar, maliban sa normal ang sitwasyon, hindi rin nangyari ang pinangangambahang food shortage. Siniguro rin ng gobyerno ng Qatar ang kaligtasan ng overseas Filipino workers doon.

May mataas na demand umano sa Pinoy workers at umapela rin ang dalawang Filipino schools sa Qatar na nangangailangan sila ng mga Pinoy teacher.

Ayon naman sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), nasa 141,000 ngayon ang mga job opening para sa mga Pinoy sa Qatar.

Siniguro naman ng POEA na maaari na ulit mag-apply at makakuha ng overseas employment certificate ang mga OFW dahil wala na ang suspensiyon sa deployment ng new hires. 

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.