6 patay sa magkakahiwalay na insidente sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 06:24 PM | Updated as of Jun 16 2017 04:07 AM

Tatlo ang patay sa magkahiwalay na engkuwentro kontra ilegal na droga sa Guiguinto at San Rafael, Bulacan, habang tatlo rin ang natagpuang patay na hinihinalang may kaugnayan din sa droga sa magkahiwalay na lugar sa Plaridel at Guiguinto sa Bulacan. 
 
Dead on the spot ang dalawang itinuturong tulak ng shabu sa Barangay Sta. Rita matapos humantong sa habulan at putukan ng baril ang buy-bust operation ng Guiguinto Bulacan-PNP. Kinilala lang ang isa sa kanila na si alyas ‘Olan’. 

Narekober din sa kanila ang mga sachet ng hinihinalang shabu at baril. Ayon kay Supt. Orlando Castil ng Guiguinto PNP, nasa drug watchlist ang kanilang mga naka-engkuwentro.

Dinatnan namang nakatali ang mga kamay at nakatakip ang mukha ng dalawang bangkay na hindi pa rin nakikilala, sa Guiguinto, Bulacan.

Ayon sa mga pulis, posibleng onsehan sa droga ang nangyari dahil may mga sachet ng hinihinalang shabu na narekober sa mga biktima.

Engkuwentro sa Bulacan 

Patay din sa engkuwentro sa Brgy. Maronquillo, San Rafael, Bulacan ang nasa drug watchlist na si Michael Inovero. 

Nakuha rin kay Inovero ang isang baril at mga sachet ng shabu. 

Ayon sa mga pulis, matagal na nilang minamanmanan si Inovero na napatay matapos umanong lumaban nang isagawa nila ang buy-bust operation. 

Naaresto naman sa follow-up operation ng pulisya sa Brgy. Coral na Bato si Rode Umali na kasamahan umano ni Inovero. 

Giit naman ni Umali, hindi siya nagbebenta ng droga bagaman gumagamit siya nito.

Binaril ng naka-bonnet 

Sa Barangay Banga 1st sa Plaridel, Bulacan, patay din matapos pagbabarilin ng mga naka-bonnet na lalaki ang biktimang si Anthony Manalaysay Jr. Napag-alamang nasa drug watchlist din ang biktima. 

Isasailalim na rin sa cross-matching at ballistic examination ang mga narekober na basyo ng bala para matukoy kung sino ang mga responsable sa pagpatay.

Siniguro naman ng Bulacan PNP na magtutuloy-tuloy ang kanilang operasyon kontra iligal na droga. 

Plano rin nilang isailalim sa crossmatching at ballistic examination ang mga narekober na basyo ng bala para matukoy kung sino ang mga responsable sa pagpatay sa mga itinurong sangkot sa iligal na droga. 

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.