PatrolPH

2 Bulusan evacuee pinaiwan sa isolation facility dahil sa banta ng COVID

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2022 01:28 PM | Updated as of Jun 14 2022 10:28 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Dalawang senior citizen sa Juban, Sorsogon ang pinaiwan muna sa isolation facility ng kanilang evacuation center matapos malantad sa isa pang evacuee na nagpositibo sa COVID-19 antigen test, sabi ngayong Martes ng isang local health official.

Ayon kay Dr. Edric Vargas, naka-confine na sa ospital ang evacuee na nagpositibo sa antigen test habang hinihintay ang resulta ng kaniyang confirmatory RT-PCR test.

"Probably tomorrow, makukuha natin 'yong results. So by then, magde-decide tayo kung kailangan natin itong i-swab ulit," ani Vargas.

"Iku-complete na lang natin ang quarantine nila bilang complete naman ang vaccine nila," dagdag niya.

Tiniyak ng municipal health office na walang nakahalubilo ang pasyente sa mga evacuee dahil una na itong na-isolate at huli na ring dinala sa evacuation center bunsod ng pag-alboroto ng Bulkang Bulusan.

May 10 bata ring isinailalim sa antigen test dahil sa ubo't sipon, pero negatibo naman ang resulta ng mga ito.

Nitong panahon ng pandemya, todo-ingat laban sa COVID-19 ang mga evacuee at awtoridad tuwing magkakaroon ng paglilikas dahil sa mga kalamidad.

Nagkaroon ulit nitong umaga ng Martes ng decampment o pagpapauwi ng mga evacuee sa Juban. Nauna nang inilikas ang ilang residente matapos ang muling pag-alboroto ng Bulusan nitong Linggo.

Nasa 148 residente ng Barangay Puting Sapa ang umuwi sa kanilang mga bahay.

Ayon sa local disaster office spokesperson na si Arian Aguallo, wala nang banta sa kalusugan ang abong ibinuga ng Bulusan kaya pinayagan na silang umuwi.

Hindi rin aniya gaanong nabagsakan ng abo ang barangay noong Linggo kompara noong unang pagputok nito noong Hunyo 5.

Samantala, umabot na sa higit P10 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Juban dahil sa abo.

May mga fishpond na nabagsakan ng abo at nangangamba ang mga may-ari sa posibleng fish kill, lalo't may ilan nang namatay na tilapia.

Kumuha na ng water sample ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para suriin kung delikado sa mga isda ang tubig ngayon sa mga fishpond.

Inabisuhan na rin ang may-ari na i-drain muna at palitan ang tubig nito.

Sa loob ng 24 oras, nasa 69 na volcanic quakes ang naitala habang 56 naman ang volcanic tremor.

— Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.