PatrolPH

Suspek huli sa pagpatay sa dating university president sa Northern Samar

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2021 02:12 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nahuli na ang suspek sa pananaga sa isang dating university president sa Northern Samar, ayon sa pulisya nitong Lunes.

Ayon sa impormasyon mula sa Northern Samar Police Provincial Office, kinilala ang suspek bilang si Alvin Plandez, 22 anyos, isang construction worker.

Natagpuang patay si Rolando Delorino, 64-anyos, dating presidente ng University of Eastern Philippines, madaling araw nitong Linggo sa kaniyang bahay sa Barangay Dalakit sa bayan ng Catarman.

Dinala pa sa ospital ang biktima pero idineklara siyang dead on arrival.

Nahuli si Plandez alas 4:10 ng hapon ng parehong araw sa Sitio Tara sa Barangay Dalakit. Inamin umano nito ang krimen.

Suspek huli sa pagpatay sa dating university president sa Northern Samar 1
Nahuli na ang suspek sa pananaga kay Rolando Delorino, 64-anyos, dating presidente ng University of Eastern Philippines, sa Catarman, Northern Samar, ayon sa pulisya nitong Lunes. Photo courtesy of Evans Paul Lobos Ada

Nakatulong sa imbestigasyon ng pulisya ang CCTV footage na kuha sa bahay ng biktima para matukoy ang suspek.

Dati nang nakulong si Plandez dahil sa kasong attempted homicide noong July 2019, pero nakalabas sa kulungan nitong Abril lamang, sabi ng pulisya.

Ayon kay Col. Arnel Apud, provincial director ng Northern Samar Police, Pebrero nang huling naaresto si Plandez pero nakapagpiyansa.

"Base po sa salaysay ng suspek, meron po siyang sinasabi na nautusan po siya ng isang kumander ng NPA (New People's Army) na patayin po ang former president ng UEP kasi daw po, 'pag di niya po ginawa ang kaniyang pamilya ay papatayin lahat," ani Apud sa panayam sa TeleRadyo.

"Meron po siyang pinangalanan, a certain commander Pili. Yun po ang sinabi niyang pangalan, at ito po ay ating vina-validate."

Inaalam pa ng mga awtoridad ang kaugnayan ng biktima sa NPA, na kasalukuyan nang nakakulong sa Catarman PNP at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ngayong araw.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang provincial police sa pamilya ni Delorino.

Ipinag-utos ni Apud na masusi pang imbestigahan ang iba pang posibleng anggulo ng krimen at kung mayroon pang ibang sangkot.

- may ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.