PatrolPH

P300,000 pabuya alok para matukoy ang pumatay sa kapitan sa Lipa City

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2021 05:11 PM | Updated as of Jun 14 2021 08:14 PM

Watch more on iWantTFC

LIPA CITY, Batangas — Nag-alok ng P300,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng Lipa sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kaso ng pinatay na chairman ng Barangay Pagolingin East na si Cesar Catibog noong nakaraang linggo.

"Aking idinedeklara na tayo ay magbibigay ng P300,000 sa sinumang tao na makapagbigay ng impormasyon para mahuli ang taong pumatay kay Kapitan Cesar, tayong lahat ay nagkakaisa, tayong lahat ay nagsasama-sama, hindi natin hahayaan na guluhin tayo o sirain ang kapayapaan dito po sa lungsod ng Lipa," sabi ni Lipa City Mayor Eric Africa sa isang talumpati noong Sabado.

Kasabay nito, binigyan niya ng parangal ang opisyal at muli ay kinondena ang pagpatay dito.

"Nais ko pong bigyang parangal ang isa po nating kasamahang kapitan na pumanaw at pinaslang ng mga walang kwentang tao, akin pong mariing na kinokondena ang pagpatay kay Kapitan Cesar Catibog ng Barangay Pagolingin East," ani Africa.

Miyerkoles nang pagbabarilin ng 2 salarin sakay ng motorsiklo ang 68-anyos na chairman.

Bagamat tumanggi munang magbigay ng mga detalye, sinabi naman ng imbestigador ng kaso sa ABS-CBN News na patuloy sila sa isinasagawang follow-up operation. 

Nagbabala naman si Africa sa mga may balak umanong maghasik ng lagim sa kanilang lungsod.

"Kung sino man po ang gustong maghasik ng kaguluhan at gustong i-destabilize ang kapayapaan ng lungsod ng Lipa ay sinasabi ko sa inyo na hindi kayo magtatagumpay," sabi ng alkalde. 

—Ulat ni Andrew Bernardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.