PatrolPH

Dagdag na COVID-19 vaccines ng Pfizer ipinamahagi na

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2021 07:12 PM

Watch more on iWantTFC

Sinimulan nang ipamahagi sa mga local government unit ang higit 2.2 milyong doses ng COVID-19 vaccine ng Pfizer na dumating sa Pilipinas noong nakaraang linggo.

Ayon kay Secretary Vince Dizon, deputy chief implementer ng National Task Force (NTF) Against COVID-19, ipinamahagi ang mga Pfizer vaccine sa mga LGU na kaya ang temperature requirement ng brand ng bakuna.

"Marami diyan ay sa mga malalaking siyudad tulad ng NCR (National Capital Region), Cebu at Davao," ani Dizon.

Pero nagpakita rin ng kakayahang mag-store ng Pfizer vaccine ang mga lungsod sa Central Luzon, Western Visayas, at Mindanao.

Sa Navotas City, natanggap ng lokal na pamahalaan ang 7,020 doses ng Pfizer.

Pero ayon kay Mayor Toby Tiangco, may iba pa silang hinihintay bago magamit ang naturang mga bakuna, gaya ng hiringgilya.

Samantala, ayon sa Department of Health, hindi pa maipamahagi ang 1 milyong dose ng Sinovac vaccines na halos kasabay dumating ng Pfizer.

Hinihintay pa raw kasi ang certificate of analysis mula sa manufacturer bago ipamahagi sa mga LGU ang mga bakuna.

"'Pag nagdi-distribute tayo ng bakuna, kailangan kompleto ang dokumento... 'yong recent na delivery sa atin ng Sinovac, wala pa kaming certificate of analysis," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.

Ayon din kay Vergeire, naipamahagi na sa vaccination sites ang nasa 2.5 milyon COVID-19 vaccines ng AstraZeneca na mag-e-expire sa katapusan ng Hunyo at Hulyo. 

Halos lahat ng mga dose ay naiturok na umano.

Sa loob ng halos 3 at kalahating buwang pagbabakuna, halos 1.9 milyong Pilipino o 2.7 porsiyento pa lang ng target na 70 milyon ang fully vaccinated habang higit 5 milyon naman ang nakatanggap ng first dose.

Sa kabila nito, kumpiyansa ang gobyerno na kayang maabot ang population protection o pagbabakuna sa lahat ng vulnerable individual sa bansa ngayong taon.

Nasa 11 milyong dose ng bakuna ang inaasahang darating sa Pilipinas ngayong Hunyo.

Ayon sa NTF Against COVID-19, sa pagdating ng mas maraming bakunang donasyon ng COVAX Facility, inaasahang bubuksan na rin ngayong Hunyo ang pagbabakuna sa A5 priority group o mga mahihirap.

Samantala, nakatakdang busisiin ng Senado sa pagdinig sa Martes ang paggastos ng goyerno sa P82.5 bilyong pondong inilaan para sa COVID-19 vaccines.

Ito'y matapos humirit ng P25 bilyon na dagdag-pondo ang Department of Budget and Management pambili ng mga bakuna.

Sinabi naman ni Dizon na bukas ang gobyerno sa panawagan para sa transparency kaugnay ng paggastos ng pondo para sa COVID-19 vaccines.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.