TIPS: Paano ang wastong pagsuot ng cloth masks?

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2020 05:40 PM | Updated as of Jun 15 2020 07:04 PM

Payo ng eksperto na kung lalabas lang para mamili ay mainam nang gumamit ng cloth mask. ABS-CBN News

MAYNILA - Sa gitna ng pagkalat ng COVID-19, nagpaalala ang ilang eksperto sa wastong paggamit ng mga face masks, lalo na't kinakailangan na ang mga ito habang lumilibot sa mga pampublikong lugar.

Ayon sa public health expert na si Susan Mercado, maaari namang gumamit ng simpleng cloth mask kung lalabas ng bahay para mamili. 

Kung maaari, para lang aniya sa mga health worker ang paggamit ng mga surgical mask at N95 mask. Kung gagamit ng cloth masks aniya, mainam na labhan ito sa gabi. 

"Ang maganda sa kaniya nalalabhan. Labhan niyo sa gabi. Tapos bitbit niyo na. Madaling tanggalin pag pawis. Mas magastos kasi ang surgical mask kasi one-time use lang," paliwanag ng eksperto 

Watch more in iWantTFC

Sa pagsuot ng cloth mask, hugasan muna ang kamay at kapag susuotin na ito, siguruhing natatakpan ang ilong hanggang sa baba. 

"Bago niyo ilagay yung cloth mask niyo, maglinis muna kayo ng kamay. Hawakan niyo 'yong mask, ilagay niyo sa mukha niyo na natatakpan ang ilong hanggang sa baba. Ang hinahawakan niyo lang [dapat] ay yung lubid ng cloth mask," ani Mercado. 

Huwag iwanang nakalaylay sa tainga, at siguruhin na napoproteksyunan ang mga parte ng mukha na kinakailangang proteksyunan mula sa virus, gaya ng ilong. 

Huwag din aniyang humawak nang humawak sa mask kapag suot na ito. 

At kapag tinanggal na ito, siguruhing hugasan muli ang kamay pagkatapos itong gamitin. 

"Pagtanggal ng mask natin, hugas ng kamay ulit o hand sanitizer hawakan ang lubid ng mask sa likod, tutungo ng konti tapos tatangalin niyo. Pagkatapos tupiin niyo, puwedeng ilagay sa isang plastic bag. 'Pag natanggal ang mask niyo, kailangang maghugas ulit ng kamay," ani Mercado. 

Base sa pag-aaral, ang simpleng paghinga ay maaaring maglabas nang nasa 20 virus particles kada minuto. Kung magsasalita, tinatayang maglalabas ito ng nasa 200 virus particles kada minuto. 

Maliit ito kung ikukumpara sa pag-ubo o pagbahing kung saan aabot ng 200 million virus particles ang nailalalabas ng isang tao. 

Kaya giit ng mga eksperto, malaking bagay ang nagagawa ng face mask para mapigilan ang pagkalat nito. 

Pero paalala pa ng eksperto, hindi maituturing na natatanging solusyon ang pagsuot ng face mask sa krisis sa COVID-19. 

Dapat din aniya kaakbat pa rin nito ang pananatili ng malinis na pangangatawan at pagsailalim sa physical distancing protocols. — Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.