PatrolPH

'Online classes magiging mahirap para sa mga batang may special needs'

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2020 07:00 PM

Watch more on iWantTFC

Guro sa isang public school si Luiza Geli pero full-time mommy din siya sa 7 taong gulang na anak na may autism.

Naniniwala si Geli na malaking bagay sa development ng bata ang pakikisalamuha sa mga kaklase kaya ipinasok niya sa regular na eskuwelahan ang anak noong isang taon.

Pero ngayong natigil na ang pagpasok sa mga paaralan dahil sa coronavirus pandemic, umaasa si Geli na makaka-adjust ang anak sa online classes.

"Sa tingin ko, makaka-catch up po siya dahil kahit TV, mahilig din siya manood," ani Geli.

Sa pasukan ay gagamit ng mga online platform, printed at digital module, telebisyon at radyo ang mga paaralan para maihatid ang mga lesson sa mga bata.

Pero para sa ibang children with special needs, mahalaga umano ang pakikisalamuha sa iba.

"Malaking bagay po na kasama nila 'yong mga kaedad nila o ka-level nila sa pag-aaral kasi po ang mga bata they also learn from others," ani Geli.

Sa isinagawang pulong ng iba-ibang eksperto sa sektor ng edukasyon, lumabas na nasa 10 porsiyento ng populasyon ng mga estudyante ang may special needs.

"Too many kids with special needs might not participate fully in online learning," ani Ericson Perez, founder ng One World School.

"These kids are going to suffer. They'll regress with their skills and most especially they’ll lose opportunities to interact with their classmates," ani Perez.

Madalas ding mapag-usapan ang isyu ng mabagal na internet sa Pilipinas o kakulangan ng gadgets.

Sa ngayon, lahat ay nakaantabay pa sa ipatutupad na mas epektibong sistema para ituloy ang pag-aaral sa mga kabataan.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.