Mga na-stranded sa Pasay habang naghihintay ng flights, nabawasan na

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2020 11:03 AM

MAYNILA - Unti-unti nang nababawasan ang mga locally stranded individuals (LSIs) na kinukupkop sa Villamor Air Base at Philippine State College of Aeronautics sa Pasay City, batay sa datos ngayong araw ng Linggo.

Mula 467 kahapon, nasa 391 na lamang ang kanilang bilang ngayong araw matapos matuloy ang ilang biyahe ng eroplano Sabado ng gabi.

Muling kumukuha ang DSWD Linggo ng umaga ng impormasyon ng mga indibidwal para sa pamimigay ng P2,000 na cash assistance.

Nabigyan na rin sila ng maayos na sleeping at hygiene kit.

Tuloy-tuloy rin ang natatanggap nilang pagkain mula sa iba't ibang sangay ng gobyerno, mga pulitiko, non-government organizations, at mga pribadong indibidwal.

May medical team na nagmo-monitor sa mga ito, at karamihan sa kanila ay dumadaing lang ng mga sintomas ng exhaustion tulad ng sakit ng ulo. 

Bukod sa mga nasa eskwelahan sa Pasay, may kinukupkop din na higit 100 LSIs ang Philippine Army sa kanilang gymnasium sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Umaapela si Pasay City Mayor Emy Calixto-Rubiano sa mga pinuno ng mga probinsya na sunduin ang kanilang mga kababayang hindi makauwi, lalo na kung ang kanilang flight ay matagal-tagal pa.

Giit ng mayora, dapat tanggapin ng mga probinsya ang mga gustong umuwi sa kanila kung may travel pass at medical certificate naman mula sa siyudad na pinanggalingan.

Nauna nang sumilong sa ilalim ng NAIA Expressway ang maraming stranded na pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.