Dagsa ng mga mamimili ngayong Linggo ang computer hub na Gilmore Avenue sa Quezon City. Karamihan ay mga estudyanteng naghahanap ng magagamit para sa online classes sa darating na pasukan. ABS-CBN News
Dinagsa ng mga mamimili ngayong Linggo ang mga bilihan ng computer sa Gilmore Avenue, Quezon City.
Karamihan sa mga mamimili ay naghahanap ng computer o laptop na magagamit sa online classes gayong ipinagbawal ang pagpasok sa mga paaralan dahil sa coronavirus pandemic.
"Since online muna daw, I need to upgrade my laptop kasi mabagal," ani Lennin Badua, isa sa mga pumunta sa Gilmore.
"Mahalaga siya ngayon kasi nagta-transition na lahat into digital. Lahat kailangan na ng malalakas na specs, malalakas na hardware para makapag-cope up sa daily needs," sabi naman ng mamimiling si Niko Badua.
Sa isang tindahan na bilihan ng surplus na computer galing Japan, paubos na ang laman ng istante ng mga laptop.
Kasabay ng pagsipa ng demand, tumaas na ng 5 hanggang 10 porsiyento ang presyo ng kada unit, sabi ng mga nagtitinda.
Nasa P2,000 umano ang pinakamurang presyo ng surplus na laptop para sa simpleng paperworks habang P10,000 naman ang pinakamahal na laptop. Nasa P12,000 naman ang desktop computer.
"Halos sold-out na 'yong mga unit, ang lakas," ani Marie Arog, officer-in-charge ng isa sa mga bilihan ng computer.
Nakiusap naman ang Department of Trade and Industry sa mga nagbebenta na huwag samantalahin ang pagtataas ng presyo.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, bilihin, computer, laptop, online learning, edukasyon, Gilmore Avenue, Quezon City, Department of Trade and Industry