Maria Ressa iginiit na panggigipit ang kasong cyberlibel laban sa kaniya

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2020 06:55 PM

Watch more in iWantTFC

Nahaharap man sa posibleng pagkakakulong, nagawa pang magbiro ng kilalang mamamahayag na si Maria Ressa sa kaniyang panayam sa ABS-CBN News Channel.

"Essentially, if we do lose the case, it would be because someone in Rappler fixed a typo," ani Ressa sa panayam noong Sabado.

Isang maling spelling na inayos noong Pebrero 2014 ang tinutukoy ni Ressa na dahilan kaya ang artikulong nailathala noong Mayo 2012 ay ngayo'y sakop na ng batas na nagpaparusa sa cyberlibel, na naisabatas lamang noong Setyembre 2012.

Nabanggit sa artikulo na may "shady past" umano ang property developer na si Wilfredo Keng, na itinanggi ng negosyante kaya nagsampa siya ng reklamo sa National Bureau of Investigation noong 2017 laban kay Ressa, dating writer-researcher na si Reynaldo Santos Jr., at sa Rappler.

Umabot ito sa korte at sa umaga ng Lunes nakatakdang ilabas ang pasya ng Manila Regional Trial Court Branch 46.

Pero para kay Ressa, malinaw na panggigipit ang kaso, kung titingnan ang konteksto ng ibang kaso niya at ibang kaso laban sa media sa bansa.

"I'm not on trial as much as our judiciary. Also because if you think about it, the situation we are in-- the kinds of restrictions that the pandemic has created, the shutdown of ABS-CBN, the quick passage of anti-terror bill," ani Ressa.

Paglilinaw ng abogado ni Keng ay nakahanda silang lumaban kung iaapela ni Ressa at ng Rappler ang posibleng hatol, na maaaring mauwi sa pagkakakulong mula 6 na buwan hanggang 7 taon.

"He felt his reputation was greatly tarnished with that online article," ani Andaya.

Dumarami naman ang nagpahayag ng pagkabahala sa pagbaba ng hatol sa Lunes.

"It is the media and certain sectors of society that are being terrorized, not the other way around. Look at ABS-CBN. Look at Inquirer. Look at the arbitrary detention of a senator," ani Vergel Santos ng Center for Media Freedom and Responsibility.

Umaasa naman ang National Union of Journalists of the Philippines na makikita ng korte na bahagi ang kaso ng paghihiganti ng gobyerno at pagpapatahimik sa media.

Ayon naman sa kilalang international human rights lawyer na si Amal Clooney, nakatutok ang buong mundo sa kaso ni Ressa sa Lunes, kabilang ang pamahalaan ng Amerika dahil American citizen din si Ressa.

Kapag nahatulang guilty si Ressa, ayon kay Clooney, ang mensahe umano sa ibang mamamahayag ay manahimik sila kundi ay sila ang isusunod.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.