Ilang taga-Occidental Mindoro nakauwi na matapos ma-stranded

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2020 06:50 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi makapaniwala si Manuel Sadang na nakarating na siya sa pier ng Abra de Ilog sa Occidental Mindoro.

Construction worker si Sadang sa ginagawang studio ng isang TV station sa Quezon City pero nahinto sa trabaho nang ipatupad ang lockdown, na layong makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Wala pa umanong natanggap na ayuda mula sa Department of Labor and Employment pero nakaraos siya mula sa huling suweldo at mga pagkain galing sa iba.

"Nagpapasalamat ako kasi nakauwi ako kasi hirap din doon," ani Sadang.

"Kung wala kami pera noong oras na iyon... baka naging pulubi kami, namamalimos doon," dagdag niya.

Pero hindi lubos ang kasiyahan ni Sadang sa pag-uwi dahil nagpaiwan sa Quezon City ang kaniyang nakababatang kapatid, na gusto umanong makaipon ng pera para may maiuwi ito sa pamilya.

"Gusto niya din pag-uwi niya sa probinsya magkaroon din po ng kaunting pera," ani Sadang.

Dalawang araw namang natulog sa nakaparadang jeep sa Santa Ana, Maynila si Joshua Senia bago may nagmagandang loob na kupkupin siya.

Pinalayas umano siya sa kaniyang trabaho bilang dishwasher.

"Tinulungan po ako ng pulis na magkuha ng travel authority para makauwi na daw po ako," ani Senia.

Kabilang sina Sadang at Senia sa 3,000 Mindoreño na na-stranded sa Metro Manila at iba pang lalawigan, na sinundo ng mga van at bus.

"Doon sa Manila talagang kinukumpleto lamang ang medical certificate, mga travel authority," ani Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano.

"May parang call center na doon sa operations. Lahat ng gustong umuwi, doon tumatawag," aniya.

May help desk din ang Occidental Mindoro sa Batangas port.

Bago tuluyang makauwi sa kanilang bahay, kinuhanan muna ulit ng body temperatura at pinadaan sa rapid test ang mga umuwing taga-Occidental Mindoro.

"Kapag nag-negative sila doon, sa bahay na lang sila mag-home quarantine. Kapag positive, doon sila sa quarantine facility," ani Gadiano.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.