4 arestado sa anti-drug operation sa QC apartelle

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2020 03:29 PM

Arestado ang 4 na taong naaktuhan sa paggamit at pagbebenta ng droga sa isang apartelle sa Quezon City gabi ng Sabado, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence information ang mga awtoridad na ginagamit umano bilang drug den ang isang kuwarto sa isang apartelle sa Blumentritt.

Inamin ng mga naaresto na gumagamit sila ng ilegal na droga.

Ayon sa suspek na si alyas “Erick,” may 7 taon na siyang gumagamit ng ilegal na droga. Pero tumanggi ang suspek na tukuyin ang source ng kaniyang supply.

Sinabi rin ng suspek na si Renato Avaya na naging bisyo na niya ang paggamit ng droga.

“Bisyo na po ito ng katawan eh. ‘Di ko lang po alam saan nanggagaling,” aniya.

Kasamang naaresto ang nobya ni “Erick” at ang kinakasama ni Avaya.

Aalamin din ng mga awtoridad kung dawit ang pamunuan ng apartelle sa mga ilegal na aktibidad ng mga suspek.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.