Umano'y puganteng Chinese hinarang paglapag sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 03:27 PM

Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Miyerkoles ang isang puganteng Chinese na sinasabing sangkot sa ilang krimen sa kaniyang bansa.

Ayon kay BI-Interpol (International Criminal Police Organization) chief Rommel Tacorda, wanted sa Beijing ang 42 anyos na si Wu Chuqui na hinarang sa NAIA Terminal 3 sa pagdating nito sa bansa mula Hong Kong.

Wanted umano si Wu dahil sa money laundering.

Idinadawit din umano si Wu sa iba pang ilegal na gawain at may kinakaharap na arrest warrant noon pang Oktubre 2018 mula sa Public Security Bureau sa Shenzhen, China.

Ayon pa kay Tacorda, kasama si Wu sa may mga red notice o ipinaaaresto ng Interpol.

Agad na ibinook ng BI si Wu sa pabalik na flight ng Cathay Pacific patungong Hong Kong kung saan agad ito inaresto ng Chinese police.
 
“We informed our Chinese counterparts about the interception, so they waited for him and took him into custody upon alighting from his plane,” ayon kay Tacorda.
 

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.