Pulis na nakapatay umano ng bata sa Caloocan, sinibak na sa serbisyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 11:23 PM

MAYNILA - Sinibak sa serbisyo ang isang pulis na nakabaril at nakapatay umano ng bata sa Caloocan City.

Napatanuyang guilty sa administratibong kasong grave misconduct si Police Cpl. Rocky delos Reyes, base sa 3-pahinang desisyon na inilabas ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Biyernes.

Si Delos Reyes ang itinuturong bumaril sa 6 anyos na si Gian Habal noong April 28 sa Camarin, Caloocan City.

Kaakibat na parusa sa pulis ay ang tanggalin na siya sa hanay ng pulisya.

Bukod kay Habal na tinamaan ng bala sa ulo, sugatan din sa pamamaril ang 65 anyos na si Elsa Montanyes na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang paa.

Guilty rin si Delos Reyes sa isa pang administratibong kaso na conduct unbecoming kung saan parehong dismissal sa serbisyo ang parusa.

Bukod sa mga administratibong kaso na nadesisyunan na, nahaharap din sa kriminal na kasong murder at frustrated homicide sa Caloocan RTC si Delos Reyes. - Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.