Mister, 28 trabahador 'persons of interest' sa pagpatay sa ginang sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 05:16 PM | Updated as of Jun 14 2019 09:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May persons of interest na ang pulisya sa karumaldumal na pagpatay sa isang ginang sa Parañaque City na higit 100 beses pinagsasaksak noong Martes.

Kabilang dito ang sarili niyang mister na si Noel Torres at ang mga construction worker sa katabing bahay.

Nitong Biyernes, kusang loob na nagtungo sa Parañaque police station si Noel, ang asawa ng pinaslang na si Cristina Torres, para linisin ang kaniyang pangalan.

"Ako, kahit ako 'yung complainant dito, willing ako i-volunteer 'yung sarili ko [sa investigation]," sabi ng biyudo.

Nadiskubre kasi sa imbestigasyon na ipina-blotter ni Cristina si Noel noong Abril 10 dahil sa umano'y pananakit bunsod ng selos.

Pero iginiit ni Noel na hindi siya ang pumatay sa asawa.

"Kasi nasa 1 taon pa lang kami, nasa period of adjustment kami noon," depensa ni Noel nang tanungin ukol sa blotter.

Ang ama ni Cristina, naniniwala ring walang kinalaman si Noel sa krimen.

"Nakikita kong happy sila, sweet sila, wala akong nakitang [kinalaman niya]," sabi ni Marcos Escaña, ama ng biktima.

Samantala, 28 construction workers din sa itinatayong gusali sa tabi ng bahay ng biktima ang inimbitahan sa presinto para sa profiling.

Naniniwala kasi ang pamilya ng biktima na hindi iisang tao lang ang nanloob sa bahay at dumistrungka sa vault.

Bagama't walang nakuhang pera sa vault, ninakaw ang kuwintas at cellphone ni Cristina.

Isinama rin bilang persons of interest ang 2 katiwala ng bahay.

Si Noel naman, nag-alok ng P1 milyong pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga salarin sa krimen.

"Hindi ako titigil hangga't hindi nahahanap itong salarin na ito. Gagastusan ko talaga," aniya.

Patuloy ang imbestigasyon sa malagim na krimen.

—Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.