Mga kaanak ng crew ng GEMVIR1 patuloy na nangangamba

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 04:04 PM | Updated as of Jun 14 2019 04:45 PM

Hangga't hindi kapiling ang mga kaanak, hindi pa rin napapanatag ang loob ng mga pamilya ng mangingisdang sakay ng bangkang lumubog matapos sadya umanong banggain ng isang Chinese vessel sa West Philippine Sea noong Linggo. 

"Sabi ko nga hindi pa nakauwi si Tatay mo. Nandoon pa sa laot. Hindi pa natin alam kung paano sila doon," tugon ni Magie Gregorio sa tanong ng 2-taong gulang na bunsong anak na naghahanap lagi sa kaniyang ama.

Isa ang pamilya Gregorio sa mga kamag-anak ng mga mangingisdang hindi pa nakababalik sa kanilang bayan sa San Jose, Occidental Mindoro matapos ang insidente noong Linggo malapit sa Recto Bank sa West Philippine Sea. 

Ang karagatan ay saklaw ang exclusive economic zone ng Pilipinas sa pinag-aagawang South China Sea, na inaangkin ng China sa halos kabuuan.

Gabi ng linggo, sadya umanong binangga ng isang Chinese vessel ang naka-angklang Gem-Vir1 na lulan ang 22 Pinoy. Matapos lumubog ang barko dahil sa pagkakabangga, hindi man lamang umano tinulungan ng Chinese vessel ang mga Pinoy. 

Buti na lamang at sinagip sila ng isang Vietnamese vessel na nasa lugar.

Nanawagan naman ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte si Gregorio.

"Wala naman akong ipapakain sa mga anak ko dahil 'yan lang po ang inaasahan namin," sabi ni Gregorio na hindi na napigilang maluha dahil sa pag-aalala sa asawa at sa kinabukasan ng anim nilang mga anak. 

Sinusundo na ng BRP Tausug sa BRP Ramon Alcaraz ang crew ng lumubog na F/B Gem-Vir1 para iuwi sa mga pamilya nilang naghihintay sa San Jose port.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.