Mga grupo kinondena ang 'pagtameme' ni Duterte sa 'hit-and-run' sa WPS

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 06:39 PM | Updated as of Jun 14 2019 09:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binatikos ng ilang militanteng grupo ang tila pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa isyu ng pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto Bank sa West Philippine Sea noong Linggo.

Ayon sa mga grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA-Pilipinas) at Pilipinong Nagkakaisa para sa Soberanya (P1NAS), hindi katanggap-tanggap ang pagiging "tameme" ni Duterte sa isyu kung saan nalagay sa peligro ang buhay ng higit 20 mangingisda. 

"Nakakabingi ang pananahimik ni Pangulong Duterte. Napakaingay niya sa ibang mga bansa na may reklamo siya pero dito sa Tsina medyo tameme," ani Atty. Neri Colmenares ng grupong P1NAS. 

Maaalalang noong Huwebes ay nagbigay ng talumpati si Duterte sa General Santos City pero hindi niya nabanggit ang insidente sa West Philippine Sea. 

"Sa ibang bansa willing ka mag-cut ng diplomatic relations like sa Canada dahil ayaw tanggapin ang basura pero dito sinasagasaan na with intent to kill ang mangingisda mo, hindi ka man lang magsalita," pagpuna pa ni Colmenares. 

Miyerkoles nang ilantad ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang insidente ng "hit-and-run" na naganap noong Linggo, na tila "sinadya" umano ng Chinese vessel. 

Lumubog ang bangka ng mga Pinoy at pinabayaan lang umano ito ng mga Tsino hangga't masagip ang mga ito ng isang Vietnamese ship. 

"Talagang hindi nila kinikilala na tayo ay mayroong karapatan doon sa West Philippine Sea at malinaw ang mensahe nito na totally talaga plano nila paalisin o ipagbawal ang mga mangingisdang Pilipino doon," ani Fernando Hicap, national chairperson ng PAMALAKAYA-Pilipinas.

Nagsampa na ng diplomatic protest ang bansa laban sa nangyari pero sabi ni Colmenares, hindi ito sapat. 

Panukala ni Colmenares, dapat sampahan ng kaso ang China sa international body para maparusahan sa paglabag sa international law patungkol sa kaligtasan sa dagat.

—Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.