Lalaking pabalik-balik sa ospital para magnakaw timbog

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 04:30 PM | Updated as of Jun 15 2019 07:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado noong Miyerkoles ang lalaking suspek sa serye ng nakawan sa loob ng isang ospital sa Makati City. 

Sa kuha ng CCTV sa hallway ng pagamutan noong Sabado, kita ang isang lalaking naka-blue shirt at sombrero na lumabas ng kuwarto dala ang ninakaw na bag.

Pinalagpas muna niya ang mga naglalakad na doktor, staff ng ospital, at mga kaanak ng pasyente at saka tumakas. 
    
Noong Lunes naman, nakita muli sa CCTV ang lalaki pero nagpagupit na ito at nakasuot ng puting shirt at shorts.
    
Sa pagkakataong iyon, opisina naman ng doktor ang kaniyang pinasok. Natangay ng suspek ang bag ng doktor na naglalaman ng cash, credit cards, at iba pang mahahalagang gamit.

Pero noong Miyerkoles, plano na naman sanang umatake ng suspek na naka-face mask naman pero inabangan na siya ng mga guwardiya at pulis. 

Kinilala ang suspek na si Raymond Villaruel, 27.

"Kapag nakapasok na siya sa loob, minamanmanan niya kung ano 'yung mga kuwarto na puwede niyang pasukin at kung may tao... Tinitingnan na niya sa loob kung ano 'yung makukuha niya," sabi ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati Police. 

Sermon naman ang inabot ng suspek kay Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office.

"Itong suspek na ito, kung tutuusin 2 ang kasalanan nito eh. Nagnanakaw na at ang ninanakawan pa 'yung mga kamag-anak ng mga may sakit doon... You can just imagine 'yung sitwasyon na pinagdadaanan nitong mga pamilya ng mga nasa ospital tapos mananakawan pa," sabi ni Eleazar. 

Sabi naman ni Villaruel, napilitan lang siyang magnakaw dahil gipit. 

"Dati po akong bartender, napilitan lang po akong mag-ganu'n kasi nagipit lang po ako," sabi ng suspek. 

Inaalam pa ng Makati police kung may iba pang nabiktima ang suspek at kung nananalisi rin siya sa ibang ospital. 
    
Kinasuhan na ng theft ang suspek. 
    
—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.