Lalaki, nahulihan ng high-powered firearms sa checkpoint

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 09:25 AM | Updated as of Jun 14 2019 11:55 AM

(UPDATE) Arestado ang isang 72-anyos na abugado sa police checkpoint sa Barangay Bayan Luma sa Imus City, Cavite, Biyernes ng madaling araw.

Asawa ng pamangkin ni senator-elect Bong Revilla Jr. ang suspek, na kinilalang si Manuel Moyco.

Ayon kay Police Lt. Col. Junar Alamo, hepe ng Imus City Police, minamaneho ng suspek ang isang Toyota Innova nang maharang sa checkpoint ala-1:30 ng madaling araw.

Unang nakita sa tabi ng suspek ang isang kalibre .9mm na expired na ang lisensiya.

Nang i-search ang sasakyan, doon nakita ang iba pang mga baril na wala ring lisensiya kabilang ang M16, submachine gun, Uzi na may silencer, kalibre .38 at kalibre .45 at mga bala.

Giit ng suspek na hindi umano sa kaniya ang mga baril dahil inilagay lamang ito ng kaniyang kaibigan na humiram ng kaniyang sasakyan.

Pero sabi ng pulisya, matagal na nilang sinusubaybayan ang suspek dahil sa intelligence report na marami siyang armas.

Kakasuhan ang suspek ng illegal possession of firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.