Ilang produktong baboy na nasamsam positibo sa ASF virus: DA

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 07:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) virus ang ilang mga delata at iba pang produktong baboy na ipinasok sa Pilipinas mula sa mga bansa na apektado ng virus, ayon sa Department of Agriculture (DA). 

Aabot sa 34 sa 300 sample ng karne at frozen o processed na pork products na nasamsam sa paliparan ang nagpositibo sa virus, base sa kanilang pagsusuri. 

Karamihan umano sa mga nagpositibong produkto ay nanggaling sa Tsina, na isa sa pinakaapektado ng ASF. 

Kabilang umano ang ilang sample ng sausage, hotdog, meatballs, siomai, kikiam, siopao, at canned goods sa mga nagpositibo sa virus. 

"Very alarming po siya kasi usually ang canned product it’s extremely processed," ani Dr. Joy Lagayan, focal person of communications ng Bureau of Animal Industry. 

"For it to become positive either adulterated siya or hindi maganda ang processing niya or pupuwede din na 'yung ginamit na baboy ay may sakit na," dagdag ni Lagayan. 

Ayon sa DA, hindi nakakahawa sa tao ang virus. Pero maaaring mahawaan at ikamatay ng mga baboy sa bansa ang ASF virus kapag nalapitan ng taong kumain o humawak ng mga produktong nagpositibo sa virus ng ASF. 

Tingin naman ni Rosendo So, pangulo ng Samahang Industriya Ng Agrikultura, na dapat manmanan nang mabuti ang mga karneng dinadala sa mga palengke. 

"Dapat talaga bantayan mabuti kasi may mga karne na pumupunta palengke, 'yon ang worry natin, 'yung mga frozen meat na kapag nahuli eh walang umaamin kung kanino galing," aniya. 

Ayon naman sa Food and Drug Administration, nasa P7 milyon halaga na ng mga delata ang nakumpiska nila mula sa mga malalaking supermarket. Inilagay na umano ang mga ito sa warehouse para sirain. 

Pero aminado ang FDA na kulang ang kanilang mga tauhan kaya nananawagan sila ng tulong ng ibang ahensiya at sangay ng gobyerno, partikular na ang mga lokal na pamahalaan. 

"Sa LGU naman talaga kumukuha ng business permit itong ating mga nagtitinda, and they can help us na ma-regulate to make sure na pati 'yong maliliit na tindahan ma-check natin," ani Health Undersecretary Eric Domingo, na tumatayong officer-in-charge ng FDA. 

Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hiling ng DA na bumili ng 20 x-ray machine na ilalagay sa lahat ng international airport sa bansa para mas mabilis na matunton kung may ASF virus ang dalang mga karneng produkto ng mga pasahero galing sa 17 bansang apektado ng ASF.

Aabot sa P20.5 milyon ang presyo ng mga x-ray machines at manggagaling umano ang pondo nito sa sa quick reaction fund ng ahensiya. 

--Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.