9 tiklo sa crackdown sa party drugs

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 05:31 PM | Updated as of Jun 14 2019 09:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 9 tao sa magkasunod na drug operation sa Quezon City at Makati City, kung saan nakumpiska ang sari-saring party drugs tulad ng liquid ecstasy at marijuana.

Sa bisa ng search warrant, nilusob ng NBI Special Action Unit ang isang condominium unit sa Quezon City, kung saan nahuli ang target nila na si Kenneth John Doreno.

Sabi ni Doreno, inimbita lang siya sa drug den para makagamit ng droga pero hindi raw siya ang pasimuno ng session.

"Nagpa-party kami dito. Tinext lang nila ako," aniya.

Sa condo ay nasamsam ng mga awtoridad ang ilang bote ng liquid ecstasy at marijuana.

Itinuro naman ng mga nahuli sa condo ang supplier nila ng droga kaya nagkasa agad ang NBI ng follow-up operation.

Nahuli sa buy-bust operation sa isang hotel sa Makati City ang mga supplier ng naturang drug den sa Quezon City.

Kuwento ng hotel staff, nagtangka pa ang mga suspek na itapon ang bag nila na may droga nang matunugang hinahanap sila ng NBI.

"Inutusan nila ako na ilagay sa trash bag ko 'yung bag nila," sabi ng staff.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga drug supplier. Nabawi sa grupo ang ilang gramo ng ecstasy, shabu, at liquid ecstasy na kilala rin bilang date rape drug.

Nagbabala naman ang NBI sa patuloy na paggamit ng mga suspek sa mga condo at hotel para magbenta ng droga at mag-party.

Sa kabuuan, 9 ang nahuling suspek ng NBI at 8 dito ang nagpositibo sa drug test.

Kulong ang 9 sa sari-saring paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.