75-anyos na lalaki, pursigidong tapusin ang kolehiyo

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 01:31 PM | Updated as of Jun 14 2019 02:02 PM

First year AB Political Science student ngayon sa University of Pangasinan na si Benjamin Naoe Sr., 75-anyos. Joanna Tacason, ABS-CBN News

Pursigidong makakuha ng degree at makapagtapos ng pagaaral ang isang lalaki kahit pa 75-anyos na siya.

“May nababasa kasi ako na if you graduated today and stop learning tomorrow you will be uneducated. Ibig sabihin stop na ang kaalaman kapag tumigil ka na kaya ako’y nagpapatuloy. Pangalawa, baka sakaling makaenganyo ng estudyante na tamad at least mabawasan ng isa ang unemployed,” pahayag ni Benjamin Naoe Sr.

Sa ika-limang araw ng klase, aktibong lumahok sa class discussion si Naoe bilang first year AB Political Science student sa University of Pangasinan sa Dagupan City.

Bago pumasok sa kolehiyo, nag-aral muna siya sa Alternative Learning System ng Department of Education at naipasa niya ito sa Mangaldan National High School.

Hindi umano biro ang kaniyang pinagdaanan bilang ama at ina na rin sa anim na mga anak.

Hindi nakapagtapos ng high school ang tubong San Jacinto na si Naoe dahil maaga siyang nakapag-asawa.

Sa edad na 35, nabalo ito at mag-isang kumakayod para sa mga anak.

Naging mekaniko at counter salesman sa Saudi Arabia si Naoe sa loob ng 19 na taon.

Nagpabalik-balik rin ito sa ibang bansa para matustusan ang pag-aaral ng mga anak.

Dahil sa sipag, napagtapos niya sa kolehiyo ang mga anak at may sarili na silang pamilya. Nasa 13 na rin ang kaniyang apo.

Payo naman niya sa mga kaklase na para na ring niyang apo, huwag sayangin ang pagkakataong.

"Kapag nakakausap ko sila parati kong sinasabi sa kanila na wag sayangin yung pangarap ng magulang, iyan kasi kako ang hindi mananakaw na pag-aari,” aniya.

Lalo namang naging pursigido mag-aral ang mga kaklase ni Naoe tulad ni Grachelle Palit-ang.

“Mas na-inspired ako kasi knowing na at his age, gusto niyang mag-aral ako naman gusto ko pong mag-aral, mas pagbutihin pa para makatulong sa pamilya ko,” sabi ni Palit-ang.

Bukod sa buwang pension sa Social Security System (SSS) na ginagamit ni Naoe para sa tuition at bayarin sa eskuwela, malaking tulong din ang ibinibigay na 50 percent discount ng University of Pangasinan sa ilalim ng Handog Kaibigan Scholarship Program na layong tulungan ang mga less-fortunate na mga estudyante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.